COA: ISAPUBLIKO ANG ISINEKRETONG CONFI, EXTRA-ORDINARY EXPENSES AT IBA PA

ANO ba talaga ang tamang approach o strategy laban sa hndi mapigilang paggawa, pag-importa at pagbebenta ng ilegal na droga? 

May mga weird o nakapangingilabot na mungkahi tulad na yun daw nakukumpiskang illegal drugs ay ibalik sa kalsada, haluan ng lason, cynide o ng kamandag ng ahas, para mapatay na ang mga adik.

Kung makapaghahasik ng takot sa mga sugapa, matitigil na ang pagsinghot at pagtikim ng bawal na gamot.

Ipataw ang death penalty — agad ipatutupad pag nahatulang guilty ang akusado, lalo na kung ang kasangkot ay law enforcers, taong gobyerno, at kung dayuhan, tulad ng ginagawa sa Middle East countries at sa China, isa o dalawang linggo lang na maikulong matapos ang final judgement, sa harap ng publiko, pasabugin ang bungo nang hindi tularan at maging sampol sa mga narco-traffickers.

Ang problema, tiyak kokontra rito ang Simbahan at siyempre ang mga nakikinabang sa multi-bilyong droga na kung may magpapanukala sa Kongreso at Senado, tiyak na magpapabaha ng paldong salapi upang kontrahin ang ganitong “marahas” na parusang kamatayan.

Sinubukan na kasi ang apat na hakbang — prevention o pagpigil sa krimeng ito; may ginawa pang pagsasama-sama ng iba-ibang ahensiya ng PNP-PDEA, PNP, korte at mga samahang sibiko para labanan ang narco-trafficking at narco-politics pero naririto pa ang salot na ito.

Treatment o rehabilitation, ginawa na rin, pati ang malupit na enforcement (dito ay may mga kasong hinaharap si dating Presidente Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) dahil daw sa extra judicial killings o murder sa mga “inosenteng” tulak, adik at iba pa, pero wala raw naman nahuhuling bigtime narcotraffickers.

E, asan ba ang mga put!*?$# mga ito, nasa abroad, nakatago sa de-bakod, naguguwardiyahang village at ang paratang, may mga padrinong politiko, law enforcers, piskal, judge at may kasapakat sa media.

Ano nga ba ang tamang approach, mga bossing?

***

Totoo po ba ang tsika na ang Kamara ay namigay ng P2-M bonus sa mga kabagang na kongresita ni Speaker Martin Romualdez, at ang kasama sa mga nagtatalunan sa tuwa na nabigyan ng pabuyang early pampatalino ay ang tropang Makabayan kuno bloc ng Kamara.

Samantala, hindi pa tapos ang ipinagyayabang na kinaltas, inalis, ibinasura na ang confidential funds (ConFi) ni VP Sara Duterte at iba pang ahensiya ng gobyerno, hindi pa yun final, mga katropa.

Rekomendasyon lang iyon ng small committee sa Kamara at dadaaan pa iyon sa Senado, at pag-uusapan pa sa bicameral committee na ng mga kongresista at senador.

At ang isa sa nakikita kong dahilan dear readers na mainit na talakayin ay ang pinaputok na isyu ni Sass Rogando Sasot tungkol sa isinekretong Confi at Extraordinary Expenses — ito ang P1.6 bilyon ng Kamara at P321.9 milyon ng Senado.

Talagang nahubuan ng panty at brief ang maraming lawmakers natin kasi, lehitimo ang ibinulgar ni Sasot na ang datos ay mula mismo sa Commission on Audit (CoA) na kung bakit naman opisina ni VP Sara ang binusisi at walang inirereport na internal auditing sa mga Confi, allowances, PDAP at iba pang perang itiniwala nating taxpapers sa kamay ng ating honorables sa Kongreso.

Ang hamon ni Sass at kasama ang maraming netizens at ang pitak na ito, aba, ilantad din ang halaga ng mga sinekretong pondo ni lola Juana at lolo Juan na ipinagkatiwala natin sa ating mga mambabatas.

Hoy, kayo riyan sa COA, ilabas na rin ang inyong internal auditing sa perang hinawakan ng mga senadores, kinatawanes sa pera naming taxpayers, wag lang kay VP Sara, ano?

Makabayan o Kamatayan blocs sa Kamara at sa Senado (opo, may kakampi si Joma sa Senado), ilabas na nyo ang inyong mga resibo — sa rally ba, sa bulsa ba, sa pakinabang ba ng taumbayan sa nilustay nyong na pera ni Juan Dela Cruz!

***

Sa kabila ng totohanang reporma at kampanya kontra katiwalian at kurapsiyon sa Bureau of Customs (BoC), bakit daw hindi pa rin mabuwag-buwag ang mga sindikato ng ismagler at mga palusutan dito?

Bakit nga ba, at ang kasunod na tanong: Dapat na bang maglagay ng mga santo sa Customs para ang dumi rito ay tuluyang malinis?

Ang kasunod na tanong, may mga santo bang papayag na mamahala sa Customs na nanggigitata sa dungis at kasamaan?

May pag-asa pa ba na mapatino ang BoC?

***

THOU SHALL NOT KILL (HUWAG KANG PAPATAY). Ito ang ikaanim sa Sampung (10) Utos na dahilan ng matinding pagtutol ng Simbahan sa Death Penalty at ayon sa doktrina, tanging ang Diyos lamang ang may kapangyarihan bumawi sa hiram na buhay.

Kung totoo ito, bakit hindi kinontra ng Simbahan ang pagbitay sa Garrote noong Pebrero 17, 1872 kina padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora sa bintang na mga utak ng Cavite mutiny?

Ang Simbahan din ang umusig at nag-udyok na parusahan ng kamatayan sa firing squad ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal noong Disyembre 30, 1896.

Bakit hindi kinontra o tinutulan ng Simbahan ang mga pangyayaring ito, sey n’yo?

*** 

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].