ISANG college dropout si Anthony Jay Velasco, 28, residente ng Brgy. San Pablo Manapla, Negros Occidental. Upang makakuha ng trabaho, naisipan ni Anthony Jay na kumuha ng technical-vocational training na Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC l. Masuwerte siyang napiling welder sa bansang Japan na may sahod na P45,000 kada buwan.
First year college lang ang natapos ni Anthony Jay dahil kapos ang kanyang mga magulang upang suportahan ang kanyang pag-aaral. Nang matigil sa pag-aaral, tumulong siya sa maliit na buy and sell business ng kanyang ama, pero nagkasakit ang huli at namatay noong June 2016.
Nang malaman niya na mayroong scholarship program na SMAW NC l ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), nagdesisyon si Anthony Jay na mag-training upang mapahusay at madagdagan ang mga kaalaman niya lalo na sa welding. Alam niyang magagamit ito sa kanyang pag-a-apply sa ilang construction companies. Makatutulong din siya sa kanyang pamilya sakaling matanggap sa trabaho.
Aniya, itinuro sa kanila ng TESDA ang tamang kaalaman, kasanayan at pag-uugali na siya umanong mahalaga kung mag-a-apply ng trabaho sa abroad.
Pagkatapos ng kanyang skills training, tumatanggap na siya ng mga welding jobs sa kanilang barangay sa Manapla, Negros.
Noong April 2019, isa siya sa masuwerteng napiling welders ng Kado Fujita Co. LTD sa Japan. Ngayong Agosto, 2019, magsisimula na siya ng kanyang training sa Basic Japanese Language, Ethics and Culture sa POWER Foundation, isang TVET provider at pagkatapos ng language training, pupunta na si Anthony Jay sa Japan bilang welder sa Okayama City, Okayama Prefecture, Japan.
Bilang welder sa Japan na may monthly salary na P45,000, masusuportahan na nito ang pag-aaral ng kanyang anak at pangangailangan ng kanyang pamilya. Kapag nakaipon, plano ni Anthony Jay na mag-tayo ng welding shop upang makatulong sa iba, sa pamamagitan ng trabaho.