CONSUMER PROTECTION PALAKASIN, MGA PEKENG PRODUKTO SA ONLINE BANTAYAN

FAKE.jpg

IGINIIT ni Senador Win Gatchalian ang pagpapaigting pa sa pagbibiigay ng proteksiyon sa mga online consumer.

Ayon kay Gatchalian, bunsod ng pag-usbong ng mga negosyo sa online dahil sa  pagpapatupad ng lockdown sa bansa dulot ng pandemya ay dumami rin ang mga ibinebentang pekeng produkto.

“Kailangang palakasin natin ang consumer protection sa ganitong panahon na halos sa online na ang pamimili ng karamihan at dumarami ang mga nagbebenta ng mga counterfeit items o pekeng produkto,” ani Gatchalian na isinusulong ang Senate Bill No. 1591 o ang panukalang Internet Transactions Act.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Gatchalian sa kawalan ng batas na magpaparusa sa mga mapanlinlang na online sellers.

“Dapat masolusyunan ito. Kung hindi mabawasan ay mapigilan ang pagpasok sa ating merkado ng mga pekeng produkto o mga produkto na malaki ang pagkakaiba sa naiprisinta sa online market,” dagdag ni Gatchalian.

Aminado ang senador na hindi madaling matunton ang ibang online sellers dahil sa lawak ng merkado ng online business, na si-nigundahan naman ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo.

Sa pinakahuling pagdinig sa Senado, sinabi ni Castelo na walang sapat na panuntunan hinggil sa counterfeit items laban sa pagbebenta sa online. Dagdag pa ni Castelo na walang kakayanan sa ngayon ang DTI na mapanagot ang mga online seller lalo na kung hindi sila rehistrado at walang anumang impormasyon para makipag-ugnayan sa mga kinauukulan. VICKY CERVALES

Comments are closed.