LAGUNA – SUMAMPA na sa 11 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong Calabarzon kabilang ang isang lalaki na napaulat sa lungsod na ito.
Base sa panayam ng PILIPINO Mirror kay Calabarzon Department of Health (DOH) Regional Director Dr. Eduardo Janairo, naitala ang tatlong kaso sa bayan ng Cainta, Rizal, isa sa lungsod ng Antipolo, dalawa sa lalawigan ng Cavite, apat sa Batangas habang isa naman sa Laguna.
Idinagdag nito na may isa pa silang mino-monitor sa Lungsod ng Lucena habang patuloy ang isinasagawang pagkilos ng itinalagang grupo ng medical team mula sa tanggapan ng DOH sa Calabarzon.
Tumupad aniya sa lahat ng panuntunan na nagmula sa tanggapan ng DOH batay na rin aniya sa ipinalabas na Inter Agency Circular.
Sinasabing napaulat kahapon ang isang kaso sa lungsod ng Sta. Rosa matapos na magpositibo sa naturang sakit ang isang 40-anyos na lalaki na nagmula umano sa bansang Japan kung saan kasalukuyang nasa pangangalaga na aniya ito ng mga doktor sa isang pribadong ospital.
Kaugnay nito, sinabi ni Sta. Rosa City Mayor Arlene Arcillas na patuloy nilang pinababantayan ang mga kasamahan ng biktima sa kanilang bahay at ang iba pa na nakainuman umano nito sa lugar.
Makiisa sa lahat ng mga ilalatag na precautionary measures ng lokal na pamahalaan para aniya sa kapakanan at kaligtasan ng maraming mamamayan.
Samantala, sinuspinde naman ni Laguna Governor Ramil Hernandez ang klase sa mga pribado at pampublikong paaralan ngayong araw hanggang sa ika-20 ng kasalukuyang buwan sa buong lalawigan dahil sa biglaang paglitaw ng isang kaso sa Lungsod ng Sta. Rosa.
Pinag-iingat din ang lahat partikular ang mga estudyante na manatili na lamang sa kani-kanilang bahay at mag-aral habang walang pasok. DICK GARAY
Comments are closed.