WORK, TRUST and DO It. Sariling mantra na nagsilbing gabay para kay Jodel Botilo, may-ari ng Core Inspiration Souvenirs. Sa pagbabalik-tanaw, ikinuwento ni Jodel ang nagbigay inspirasyon sa kanya upang simulan ang kanyang negosyo.
“Core Inspiration came into being as an offshoot of the experience I went through, learning the art of weaving DIY Beads in the year 2013,” pagbabahagi niya. Nabighani sa ganda ng kanyang craft, nagpasiya siyang gawin itong negosyo at iparehistro ito sa Department of Trade and Industry (DTI) noong Marso 28, 2016.
Lumipat ang kompanya sa fiber craft, lalo na sa miniature souvenir items matapos na manalo si Jodel sa 1st Abaca Festival abacraft-making contest sa Catanduanes. Umigting pa lalo ang kanyang pagnanais noong pumunta siya sa DTI-sponsored training para sa abaca brush crafts, na pang-holiday decors at novelties. Tinulungan siya ng DTI Negosyo Centers na makakuha ng marami pang serbisyo na iniaalok ng ahensiya na makatutulong upang mas lalo pang mahasa ang kanyang kakayahan.
Nakatuon ang pilosopiya at gawain ng kompanya sa ‘passion, uniqueness and willingness’ na makapagbahagi ng kakayahan sa ibang tao. Madalas siyang naiimbitahan ng DTI at iba pang tanggapan, hindi lang upang makilahok sa trainings/seminar kundi upang maibahagi na rin niya ang kanyang kakayahan at mahikayat ang iba na maipakita rin ang kanilang pagkamakabayan. Nagsagawa rin siya ng ilang pagsasanay at product demo sa mga probinsiya.
Sa kanyang paglalakbay bilang isang entrepreneur, ang isa sa kanyang mga tagumpay ay nang mapasama siya sa 22 Kapatid Mentor Me Batch 3 mentees sa Catanduanes. Matagumpay niyang natapos ang 10-module program at ang bawat paksa ay nagsilbi niyang tuntungan tungo sa pagpapaunlad ng kanyang negosyo. Labis siyang nagpapasalamat sa bahaging ito ng kanyang paglalakbay lalo na kung paano nabago ng pangyayaring ito ang kanyang buhay bilang isang local producer. Tulad ng iba pang entrepreneur, mayroon din siyang kahinaan. Inamin niya na hindi lahat ng aspeto sa negosyo ay maaari niyang madalubhasa pero sa tulong ng KMME program, nagkaroon siya ng kumpiyansa na makaangat sa pamamagitan ng mga aralin at payo mula sa mga mentor. Matagumpay niyang naiprisinta ang kanyang Business Improvement Plan na siyang final output ng 10 KMME modules. Napili rin siyang magbahagi ng kanyang buhay sa kanilang pagtatapos kasunod ng BIP presentation ng lahat ng mentees.
Kapag natatanong tungkol sa kanyang naging simula, hindi maiwasang maalala ni Jodel ang bahaging ito ng kanyang buhay kung saan ay kapos din siya sa pinansiyal at kailangang-kailangan niya ng pera upang makatulong sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Sa mga panahong iyon, wala siyang ibang maaaring asahan kundi ang kanyang sarili at ang ilang stocks ng handmade novelty items na kanyang ide-deliver sa iba pang entrepreneur. Sa kanyang pagkabigla, nakatanggap siya ng tawag mula sa reseller na iyon at sinabihan siya na ang ilan sa kanyang mga produkto ay nabenta at sinabihan siyang kunin ang kanyang benta sa tindahan.
Napagtanto niya na ang pagkakaroon ng negosyo ay hindi lang nakatutulong upang maipakita niya ang kanyang creative side kundi upang matugunan ang kanyang pinansiyal na mga pangangailangan sa oras na hindi niya inaasahan.
Umaasa siya na ang kuwentong ito ng kanyang buhay ay makapagbibigay inspirasyon sa iba pang local entrepreneurs.
Comments are closed.