CAMP CRAME – INAASAHAN ang dobleng magandang resulta sa ipinatupad na community quarantine sa Metro Manila na ang kaakibat ay ang pagtatayo ng 56 checkpoints sa lagusan ng National Capital Region.
Ayon kay Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, ang PNP Deputy Chief for Administration, hindi lamang pagpigil sa paglawak ng mga nahawahan ng coronavirus disease (COVID-19) ang magiging resulta ng mga checkpoint kundi mapipigilan pa nito ang pagpupuslit ng droga gayundin ang pagkakaroon ng iba’t ibang krimen sa kalsada.
“The main objective of community quarantine is to reduce movement and also it will be a deterrent to commit crime,” ayon kay Cascolan.
Dahil aniya sa mataas na police visibility mababawasan din ang crime rate dahil malaki aniyang factor na kapag may pulis hindi makakikilos ang masasamang elemento.
Samantala, tiniyak din ni Cascolan na susunod ang mga pulis na naka-deploy sa mga checkpoint sa protocols hinggil sa tamang pagsisiyasat kaakibat nito na mape-preserve ang karapatang pantao ng mga sisiyasatin.
Payo naman nito sa publiko na sumunod lamang sa kautusan gaya ng pagpapakita ng mga ID ng mga empleyado sa Metro Manila mula sa probinsya at wala naman aniyang problema.
Ang mga may nararamdaman naman ay pinayuhan na kusang mag-self quarantine para hindi na aniya magkahawahan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM