CURRY BINUHAT ANG WARRIORS VS CAVALIERS

NAITALA ni Stephen Curry ang 20 sa kanyang game-high 40 points sa huling 12 minuto ng laro at binura ng Golden State Warriors ang 13-point deficit tungo sa 104-98 panalo kontra host Cleveland Cavaliers nitong Huwebes.

Ang 40 points ni Curry ay tinampukan ng 9-for-16 shooting sa 3-pointers. Nagpasabog ang Warriors ng 15 tres sa laro, anim sa  fourth period. Nag-ambag si Draymond Green ng game-high 14 assists para sa Golden State na nanalo ng siyam sa 10 laro.

Nanguna si Darius Garland para sa Cleveland na may 25 points.  Nagdagdag sina Dean Wade at Kevin Love ng tig-17 points para sa Cavaliers, na natalo ng tatlong sunod at naglaro na wala pa rin sina Evan Mobley at  Collin Sexton.

Jazz 119,

Raptors 103

Sumalang si Rudy Gay sa kanyang unang laro sa season at umiskor ng  20 points sa kanyang Utah upang tulungan ang kanyang bagong koponan na magwagi kontra Toronto sa Salt Lake City.

Kumana si Gay, na sumailalim sa surgery sa offseason para tanggalin ang bone spurs sa kanyang sakong, ng 7 of 8 shots at isinalpak ang limang 3-pointers mula sa bench. Pumirma siya sa Utah sa offseason subalit nagpagaling sa surgery sa unang buwan ng season.

Tumipa rin si Donovan Mitchell ng 20 points para sa Utah, na nanalo ng dalawang sunod.

Nalasap ng Toronto, naglaro na wala si OG Anunoby (hip), ang ika-6 na talo sa pitong laro sa kabila na nakakuha ng 31 points at limang  3-pointers mula kay Gary Trent Jr.

Timberwolves 115,

Spurs 90

Nagbuhos si Karl-Anthony Towns ng 25 points at kumalawit ng 12 rebounds nang pataubin ng Minnesota ang San Antonio sa Minneapolis.

Tumapos si D’Angelo Russell na may 22 points para sa Minnesota, na nanalo ng dalawang sunod. Umiskor si Malik Beasley ng 15 points mula sa bench at nagsalpak ng 5 sa 11 tira mula sa 3-point arc.

Nanguna si Devin Vassell para sa San Antonio na may 18 points sa loob ng 24 minuto mula sa  bench. Naging malamig ang gabi ni Dejounte Murray, ang leading scorer ng koponan sa season, kung saan bumuslo lamang siya ng 2 of 12 mula sa field at tumapos na may 7 points.

Sa iba pang laro, pinapak ng 76ers ang Nuggets, 103-89; pinatiklop ng Grizzlies ang Clippers, 120-108; at ibinasura ng Heat ang Wizards, 112-97.