D-LEAGUE: FINALS TARGET NG LA SALLE, MARINERO

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
Game 2, Best-of-3 Semifinals
10 a.m. – Adalem Construction-St. Clare vs EcoOil-La Salle*
12 p.m. – Apex Fuel-San Sebastian vs Marinerong Pilipino*
* – leads series, 1-0

PUNTIRYA ng EcoOil-La Salle at Marinerong Pilipino na tapusin na ang kani-kanilang katunggali sa 2022 PBA D-League Aspirants’ Cup semifinals ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Sisikapin ng Green Archers na sibakin ang Adalem Construction-St. Clare sa alas-10 ng umaga habang magtatangka ang Skippers na walisin ang Apex Fuel-San Sebastian sa kanilang 12 p.m. duel.

Puno ng kumpiyansa ang EcoOil-La Salle makaraang kunin ang 89-74 panalo sa Game 1 noong Biyernes, ngunit walang plano si coach Derick Pumaren na magkampante dahil batid niyang hindi pa tapos ang laban.

“It’s still anybody’s ball game and if we let our guards down, they’re still capable of beating us on Sunday, so we have to take care of things,” aniya. “We’re here to learn and if we have to close out games, we have to work on that.”

Nabuhay sina Kevin Quiambao at CJ Austria sa fourth quarter pullaway at ang pag-activate kina Schonny Winston, Mark Nonoy, at Evan Nelle ay lalong nagpalakas sa EcoOil-La Salle crew sa best-of-three series. Hindi naman basta-basta susuko ang Adalem-St. Clare.

“Learning sa amin ito, na kailangan hindi kami bumitaw. Nandito na kami eh, so kailangan lang na mas magprepara pa ‘yung team para maka-force ng Game Three,” sabi ni coach Jinino Manansala, na sasandal sa troika nina Johnsherick Estrada, Joshua Fontanilla, at John Rojas sa sudden-death affair para sa Saints.

Dinispatsa naman ng Marinerong Pilipino ang Golden Stags, 74-66, sa Game 1 sa pangunguna ni Juan Gomez de Liano na humataw ng triple-double.

Gayunman, para kay coach Yong Garcia, ang kahanga-hangang ipinakita ng kanyang tropa ay sanhi ng kanilang matinding pagsasanay matapos ang isang linggong pahinga.

“Preparation talaga ‘yung key para sa amin. Laging nandyan ‘yung kumpiyansa but kailangan namin gawin nang maayos ‘yung gameplan namin at nagsisimula lahat ‘yun sa preparation namin,” aniya.

Dagdag na motibasyon din na magtatangka ang Skippers na bumalik sa Finals makaraang tumapos na runner-up sa BRT Sumisip-St. Clare back sa 2019 Foundation Cup.

“Nandoon na kami eh, so humuhugot talaga kami doon para makuha na ‘yung inaasam namin ngayon,” ani Garcia.

Ngunit hindi basta susuko ang Golden Stags at gagawin ang lahat para maipuwersa ang winner-take-all Game 3.

“Lalaban lang ‘yung team namin. ‘Yun lang ang maipapangako ko,” sabi ni coach Egay Macaraya na inaasahang pangungunahan nina Romel Calahat, Ichie Altamirano, at Ken Villapando.