MATAPOS ang dalawang taong pananalasa ng COVID-19 sa Pilipinas, unti-unti nang nakababangon ang iba’t ibang industriya, maliban na lamang sa sektor ng agrikultura.
Marami ang nagtatanong kung bakit ang ibang bansa ay bumubuti na ang industriya ng agrikultura ngunit dito sa Pilipinas ay nananatili itong hilahod.
Ayon sa industry sources, isa sa dahilan na dumagdag na naman sa pasanin ng mga kababayang taxpayer ay ang pagbili umano ng Department of Agriculture (DA) ng 28 units ng overpriced mobile disinfection system na umabot sa P98 million.
Maganda man gamitin ito sa pagsugpo sa COVID-19 at iba pang sakit na pumepeste sa agricultural at livestock products ng bansa, hindi pa rin umano maikakailang sobra-sobra ang ginamit na pondo para rito.
Marami ang umalma dahil umabot sa mahigit P3.5 million ang kada isang unit nito na malayo umano sa itinakdang retail price sa merkado.
Napag-alaman na naglalaro lamang ang isang unit ng disinfection system sa P500,000 hanggang P1.2 million at ang isang unit ng medium duty truck sa P900,000 hanggang P1.2 million.
Ayon pa sa source, tila huli na rin sa pagtugon ang DA sa mga sakit dahil hindi na iminumungkahi ng Department of Health (DOH), gayundin ng US Center for Disease Control and Prevention (CDC), ang misting at fumigation para sa COVID-19 dahil maaari itong magkaroon ng masamang epekto sa kalusugan ng tao dahil nagtatagal ang disinfectants nito sa hangin, bagay, at balat ng hayop at tao ng mahabang oras.
Bukod dito, malaking dagok din umano sa swine industry ng bansa ang hindi agarang pagpigil ng DA sa African Swine Fever (ASF) na nagmula sa kanilang pagpapalawig ng pork importation at hindi agarang pagsugpo sa pork smuggling.
Sinabi pa ng mga taga-industriya na huling-huli na ang DA para gamitin ang mga disinfection system unit dahil lumiliit na ang kaso ng ASF at higit P1 billion na ang ikinalulugi ng bansa kada buwan dahil dito simula pa noong 2019.
May mga ulat din na masama ang loob ng agricultural at fisheries sector sa DA dahil umano sa kapabayaan nitong isalba ang nasabing mga sektor mula sa epekto ng pandemya.
Ayon sa iba’t ibang agricultural groups tulad ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) at Federation of Free Farmers (FFF), tila napabayaan na ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura at pangingisda.
Tila insulto pa sa kanila ang pagpapalawig ng fish importation na aabot sa 60,000 metric tons, gayundin ang pagpapatuloy ng nababalitang vegetable smuggling sa bansa.
Dagdag pa rito, nahihirapang bumangon ang mga magsasaka dahil sa patuloy na pagkamkam ng mga kompanya sa kanilang lupain. Bumaba sa higit 13 million hectares na lamang ang mga lupaing puwedeng taniman sa bansa, ayon sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority.
Ayon sa mga eksperto, patuloy na lulubog sa kahirapan ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang manggagawa sa agrikultura kung patuloy na hindi magiging tapat ang kasalukuyang liderato ng DA sa taumbayan.
Daing pa ng mga taga-industriya kay Pangulong Duterte na malaki na ang naging pagkalugi ng Pilipinas dahil sa pandemya kaya dapat nang bumuo ng epektibong at konkretong programa para sa mga Pilipino para hindi pulitin ang mga ito sa kangkungan.