NANINIWALA si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na isa sa mga paraan upang makontrol ang pagsipa ng inflation ay ang karagdagan pang suplay ng pagkain at mga serbisyo.
Ipinaliwanag ni Pernia na kung mahihigitan ng antas ng demand o pangangailangan ang antas ng suplay ng pagkain at serbisyo, siguradong sisipa ang mga presyo.
Kaya naman binigyang-diin niya na mahalagang agarang maaksiyunan ng gobyerno ang kakapusan ng suplay tulad ng bigas dahil ito ang kumakain sa malaking badyet ng isang pamilya.
Kasabay nito, tiwala ang opisyal na babalik din sa normal na mababa ang inflation rate o 2 hanggang 4 percent matapos itong umakyat sa 5.2 percent noong nakaraang buwan.
Sinabi niya na bumababa na rin naman ang halaga ng langis sa world market at nadadagdagan na ang imbak na bigas ng National Food Authority (NFA) dahil sa pagdating ng inangkat na suplay.
Pasisimulan na rin, aniya, ng Department of Transportation (DOTr) ang Pantawid Pasada o ang pagbibigay ng fuel subsidy sa public transport sector. DESTINY REYES
Comments are closed.