DAHIL NAGSANAY SA TESDA: KITA NG PWD MAS LUMAKI

DAHIL sa kanyang formal training sa massage therapy, humusay   ang skills, nagkaroon ng satisfaction ang mga kliyente sa  serbisyo, at higit sa lahat lumaki na ang kita  ni Mari­lou ‘Malou’ Gabuyu-Labang, 38-anyos, person with disabi­lity (PWD) bilang massage therapist.

Marilou ‘Malou’ Gabuyu-Labang

Si Malou, taga- Allacapan, Cagayan, may-asawa ay ipina­nganak na bulag.  Dahil sa kanyang kapansanan at hirap sa buhay, hindi siya nakatapos  kahit elementarya.   Gayunpaman, ang  nasabing mga kakulangan ay  hindi  na­ging hadlang para  kay Malou upang mangarap na mamuhay nang normal at kumita ng maayos para sa kanyang mga pangangailangan.

Bata pa siya’y tinuturuan na siyang magmasahe ng kanyang  lolo na kilalang  manghihilot sa kanilang lugar.  Sa edad na 19 noong 2001, nagsimula si Malou na magmasahe, gayunpaman kadalasan, wala siyang kliyente dahil sa kanyang  kapansanan at  walang tiwala ang mga tao dahil wala pa siyang formal training.

Kadalasan ang  kinikita n’ya ay umaabot lamang sa P500-P700 kada araw na sapat lamang sa pang-araw-araw na gastusin.

Upang mapaunlad ang kanyang skills at makuha ang tiwala ng mga tao, sumailalim siya sa isinagawang 3-day  massage training ng  Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong 2015.   Sa kagustuhang  magkaroon  ng national certification, taong 2018, sumailalim si Malou  sa skills training sa  Massage Theraphy NC ll sa Fil-Canadian Training and Development Center.

Dahil sa kanyang training, nag-improve  ang skills ni Malou, lumaki na ang kanyang kinikita, bi­nabalik-balikan  ang kanyang serbisyo, kaya  umaabot na sa  P1000-P1,500 ang kanyang kinikita sa loob ng isang araw.  Natutunan din ni Malou kung anong klaseng masahe ang kinakailangan ng kliyente, alinsunod sa kanilang karamdaman. Dumami rin ang kliyente nya at mga suki. Nadagdagan rin ang kanilang home service at mga nagbibigay ng tip.

Sa kasalukuyan, si Malou ay isa sa mga massage therapist sa VIP City Massage Center. Malaki ang pasasalamat at pagmamalaki  ni Malou sa TESDA at DSWD na tumulong sa kanya upang magkaroon siya ng pormal na kasanayan  bilang massage therapist.

Comments are closed.