IPINANUKALA ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na gawin sa bansa ang Asia-Oceania qualifiers para sa 2020 Tokyo Olympics dahil sa banta ng nakamamatay na coronavirus.
Ang Asia-Oceania boxing qualifiers ay orihinal na nakatakda sa Pebrero 3 sa Wuhan, China, ang sentro ng coronavirus na tumama sa hindi bababa sa 200 Chinese na bumiyahe sa nasabing lugar.
Ayon sa mga organizer, nagpasiya silang ilipat ang event mula sa Wuhan para maprotektahan ang kalusugan ng mga sasabak sa torneo.
Agad na sinuportahan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang panukala ng ABAP at idinulog ito sa International Olympic Committee.
“We support ABAP’s suggestion to transfer the tournament to the Philippines. The POC will endeavor to assist in whatever way it can,’’ ani Tolentino, pinuno ng PhilCycling, ang governing body ng bansa sa sport.
Sinabi ng ABAP na nababahala sila sa banta ng virus sa mga Filipino boxer.
“The outbreak of a mysterious coronavirus strain is alarming and we appeal to the IOC to seriously consider transferring the venue city and the dates of the tournament,’’ ani Tolentino.
“The danger posed by possible contamination is highly risky and we cannot afford to expose not only our delegation, but others as well,’’ dagdag pa niya.
Batay sa report, ang virus ay umabot na sa Japan, Thailand at South Korea kung saan apat katao ang naospital makaraang bumisita sa Wuhan.
Ayon kay ABAP secretary-general Ed Picson, walong Pinoy boxers ang nakatakdang sumabak sa Asia-Oceania qualifiers upang makakuha ng ticket sa Tokyo Olympics.
Anim na Olympic spots ang nakataya sa men’s 52kg, 57kg, 63kg at women’s 51kg divisions kung saan ang semifinal appearance ay magbibigay ng ticket sa Tokyo.
Ang fifth at sixth Olympic slots ay mapupunta sa mga boksingero na matatalo sa quarterfinals sa eventual gold at silver medalists.
Comments are closed.