TINATAYANG umaabot na sa P42 bilyon ang lugi sa sektor ng turismo bunsod ng pagkalat ng nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).
Ito ang ibinunyag ni Philippine Travel Agencies Association (PTAA) president Ritchie Tuaño na nagsabing hindi lamang mga inbound traveler ang humina, kundi maging ang mga palabas din ng bansa.
Napag-alaman na sa ipinatupad na ban pa lang sa China, na itinuturing na isa sa pinakamalaking pinanggagalingan ng mga turista sa Filipinas, agad nang dumausdos ang industriya ng turismo.
Nasundan pa ito ng ban sa Hong Kong, Macau at South Korea na lalo pang nagpapilay sa kasalukuyang sitwasyon.
“Sa estimate natin, nasa P42 billion na ang lugi dahil pa lang sa China, Macau at Hong Kong ban. Madaragdagan pa ito dahil ngayon ay kasama na rin ang South Korea,” pahayag ni Tuaño.
Samantala, bagama’t pinipilit ng PTAA na makahanap ng mga alternatibong solusyon, hindi pa rin umano maitatago ang matinding epekto nito sa tourism industry ng bansa. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.