(Dahil sa quarantine breach) BERJAYA HOTEL SINUSPINDE

SINUSPINDE ng Department of Tourism (DOT) ang accreditation ng Berjaya Makati Hotel dahil sa kabiguan nitong pigilan ang isang umuwing Filipino sa pag-skip sa mandatory quarantine sa pasilidad.

Ayon sa DOT, kinansela rin nito ang permit ng Berjaya bilang isang multiple-use hotel at pinagmuta ng katumbas ng dalawang beses ng rack rate ng pinakamahal nitong kuwarto.

Sinabi ng DOT na inamin ng Berjaya na base sa kanilang security camera footage, hindi nagtangka ang hotel staff na pigilan si Gwyneth Anne Chua na umalis o hindi ito tumawag sa mga awtoridad para i-report ang quarantine breach.

“The statements made by the hotel management and its public apology were ‘an admission of, not just the facts of the incident, but as well as their lapses in their responsibility,’” dagdag ng DOT.

Ang hotel ay binigyan ng 15 araw para iapela ang desisyon ng DOT.

Si Chua, dumating sa Pilipinas noong Dec. 22 mula sa United States, ay nag-skip sa kanyang five-day quarantine sa Berjaya Makati Hotel, 15 minuto makaraang mag-check in. Nakipag-party siya sa Poblacion, Makati City noong parehong gabi. Kalaunan ay nagpositibo siya sa COVID-19 at nahawaan ang pito sa kanyang close contacts.

Kinasuhan ng Criminal Investigation and Detection Group si Chua, ang kanyang mga magulang, mga tauhan ng Berjaya, at iba pa sa paglabag sa health protocols.

Ayon kay Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat,  ang Berjaya ay isa lamang sa mga hotel na iniulat na sangkot sa absentee quarantine scheme.