DAHIL SA TECH-VOC, NATUPAD ANG TILA IMPOSIBLENG PANGARAP

TESDA

HINDI na­ging hadlang sa isang anak ang pagkawala ng kanyang ama at tagapagtaguyod ng kanilang pamilya para abutin ang kanyang ambisyon na maging isang engineer, isang pangarap simula pa nung kanyang pagkabata.

Inger Soll Misiona
Inger Soll Misiona

Ayon kay Inger Soll Misiona,  taga-Cebu City, sa kabila ng pagpanaw ng kanyang ama dahil sa sakit na kanser, na dating naninilbihan sa bangko, ipinagpatuloy niya ang pagsusumikap. Ito ay sa kabila ng kawalan ng  kakayanan ng kanyang ina na pag-aralin sila ng kanyang lima pang mga kapatid hanggang sa kolehiyo.

Laking pasasalamat ni Inger Soll sa TESDA dahil sa kanyang pagkuha ng technical-vocational course na Industrial Technician Program, naging tulay eto upang maabot ang mas mataas pa niyang pinapangarap.

Taong 1998 nang matapos niya ang 3-year course na  Industrial Technician Program bilang isang iskolar sa Center for Industrial Technology and Enterprise Technical Institute (CITE) sa Bo. San Jose, Talamban, Cebu City.

Nakilala ni Inger Soll ang TESDA sa pamamaitan ng CITE.  Aniya, “Mahirap ang buhay namin, wala kaming pambayad sa kolehiyo, at dahil pumasa ako sa scholarship sa CITE, doon ako nagka-interes mag-aral pagkatapos ng high school.”

Ang CITE ay isa sa mga accredited institutions ng TESDA na nagpapatupad ng Dual Training System (DTS).

Sa ilalim ng training modality ng DTS, nagtutulungan ang paaralan at kumpanya sa pagsasanay ng mga tech-voc trainees. Ang theoretical training ay matututunan sa mga schools samantalang ang practical training ay mararanasan sa mga kom­panya.

Ang mag-aaral ay tumatanggap ng allo­wance na katumbas ng 75% ng prevailing minimum wage.

“Hindi ko pa natatapos ang third and last year para sa Industrial Technician Program sa CITE ay virtually hired na kami sa semi-conductor company na nag-train sa amin. May posisyon na kami sa company na nakalaan after graduation,” ani Inger Soll.

Dahil sa nagkaroon agad siya ng trabaho, nag-aral muli si Inger Soll at nagtapos ng Bachelor’s Degree in Electronics and Communications Engineering.

Dahil dito natulungan din niya na makapag-aral ang kanyang mga kapatid sa kolehiyo.

Isa pa sa kanyang plano ay maipasa ang PMI-PMP (Project Management Institute-Project Management Professional) certification ngayong taon.

Malaking bahagi ng buhay ni Inger Soll ang TESDA dahil ayon mismo sa kanya, malaki ang naitulong neto sa kanya at sa kanyang pamilya upang mabago ang kanilang buhay.

Aniya,  mara­ming mga programa ang TESDA na makakatulong sa mga mahihirap na kabataan para sila ay maging self-sufficient at makatulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Kanya ring inirerekomenda ang pagkuha ng tech-voc courses dahil mas mataas ang tsansa na makahanap agad ng trabaho ang may mga kasanayan. Mahusay na skills training ang hatid ng TESDA sa mga ­manggagawang Filipino.

Payo nito sa kabataan na gustong sundan ang kanyang yapak, “Huwag mawalan ng pag-asa, magtiwala sa sarili at higit sa lahat, tiwala sa Panginoon at huwag kalimutan na manalangin palagi sa Poong Maykapal.”

Sa ngayon ay aktibo si Inger sa kanyang komunidad. Siya ay nagme-mentor sa student program ng CITE at nagbibigay ng suporta sa mga  scholar sa pamamagitan ng “Share a Lunch Program sa CITE.”

Comments are closed.