DAHIL SA TESDA: FROM NOTHING, NAGKAROON NG SOMETHING!

“NOON, ang bawat hirap at karanasan ng aming buhay ay baon ko at dala-dala araw-araw. Ngunit sa ngayon, taas noo at ipinagmamalaki ko na ito ay ­aking napagtagumpayan sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).  Sa katunayan, kung dati ay nahihirapan akong maghanap ng trabaho, ngayon ay ipinagmamalaki kong trabaho na po ang nag­hahanap sa akin,”

Ganito ipinagmamalaki ni Alfred Dela Cruz Santos, 30-anyos, taga-Tartaro, San Miguel, Bulacan ang kanyang mga tinatamasang tagumpay dahil sa pag-aaral ng iba’t ibang technical-vocational (tech-voc) courses ng TESDA.

“Noong bata pa ako, hindi ko po talaga alam kung mag-aaral ako (sa college) o magtatrabaho na lamang.  Ako po’y litong-lito, nasa high school pa lang ako, kahit pamasahe wala ako, magkokolehiyo pa kaya?

Nakikisaka ang kanyang mga magulang na kumikita lamang sa pamamagitan ng  porsiyentohan. Tatlo silang magkakapatid, at si Alfred ang bunso.

Ang kanilang tinitirahang barong-barong na nasa gitna ng bukid ay gawa lamang sa pinagtagpi-tagping kawayan at pinagtapal-tapal na gomang manipis.

Nasa elementarya pa lamang si Alfred ay nagtatrabaho na ito sa  bukid, umaakyat sa mga puno para mamitas ng prutas,  nag-uuling, ­nangangalakal, nanghuhuli ng  palaka, nangunguha ng labong, tulya, suso, at sulib  na kanyang inilalako sa kanilang lugar para kumita ng pera na panggastos sa pag-aaral at pangsuporta sa pami-lya.

Hindi agad siya nakapag-aral sa kolehiyo dahil minabuti niyang huminto at magtrabaho na lang para makatulong sa mga magulang.

Sinubukan niyang mag-apply ng trabaho, subalit hindi siya matanggap-tanggap  dahil wala siyang maipakitang sertipiko na patunay ng kanyang pinag-aralan at kasanayan.

Hanggang sa nabalitaan ni Alfred ang magagandang programa ng TESDA. Kumuha siya  ng 2-year course na Associate in Hotel and Restaurant Management Major in Hot Kitchen Cook sa Octaviano Technical School (OTS) sa San Miguel, Bulacan kung saan nag-working student siya.

Dahil sa TESDA, nakara­ting  si Alfred  sa Singapore para mag- OJT bilang food attendant sa  Suki Sushi, isang Japanese restaurant.

Pagka-graduate, agad siyang kinuha bilang TESDA trainer ng OTS na tumagal ng dalawang taon.

Naisipan niyang mag-abroad, subalit ang ahensya na kanyang na-aplayan  na pag-aari ng OLM Institute and Skills Training Center for Allied Courses Inc., Bali-wag ay agad siyang kinuha bilang empleyado ng ahensya.  “Ang application ko po sa kanila ay for travel abroad, subalit nang makita ng  Vice Chairman ng iskul na si Mr. Rodrigo Baltazar ang aking data sheet na ako ay graduate ng TESDA course at TM holder, imbes  na ipadala ako sa abroad ay agad siyang nagdesisyon na tang-gapin at eempleyo  agad bilang  marketing officer” ani Alfred. Hanggang sa kasalukuyan, siya ay empleyado pa rin nito.

Sa ngayon, siya ay Accredited Assessor, Stage Decorator, Marketing Manager, TESDA Trainer, Senior High School Teacher, Immersion Focal Person, OJT Coordinator at Logistician/Liaison Officer sa OLM Institute.

Bukod dito, mayroon din siyang mga sideline bilang Event Decorator, Event Host at marami pang iba.

Nagpatuloy si Alfred sa pag-aaral sa kolehiyo, kumuha ng kursong Bachelor of Secondary Education Major in  Technology and Livelihood Education (TLE) sa Central Luzon State University sa Muñoz, Nueva Ecija,  sa ilalim ng ETEEAP o  (Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program).

Kasalukuyan, nakapagpundar na siya  ng mga ne­gosyo gaya ng mga sakahang lupa, piggery at 13 kalabaw na “gatasan.”

Naipagpatayo na rin niya ng disenteng bahay ang kanyang mga magulang, nakabili ng motorsiklo at tricycle na pang-service  at mga gamit pangsaka.

Tumanggap din siya ng maraming parangal katulad ng Provincial and Regional winner ng TESDA Idol 2018; National Winner Batang TESDA! TESDA Best 2018! sa idinaos na 2018 Idols ng TESDA Awards, na ginanap noong ika-24  taong anibersaryo ng TESDA sa Taguig City noong Agosto 23, 2018; Gintong Kabataan 2018 sa Bulacan, Skilled Worker Category at  nominee sa Search for Cebuana  Lhullier Happiest Pinoy 2019, Skilled Worker Category.

Maliban sa HRM, kumuha rin si Alfred ng iba pang tech-voc courses gaya ng Food and Beverage Service NC II and III; Housekeeping NC ll and lll at anim pang iba’t ibang kurso.

Pangarap pa ni Alfred na kumuha ng master’s degree at mag-doctorate.

“Napakaganda po ng programa ng TESDA, dahil hindi lang ako, pati na ang iba, ay nabigyan at mabibigyan pa ng pantay na karapatan na magkaroon ng kasanayan na magagamit sa trabaho, negosyo o sa pang-araw-araw na buhay at pangan-gailangan,” sambit nito tungkol sa TESDA.

Comments are closed.