DATING DRUG ADDICT, UMASENSO DAHIL SA TESDA

TESDA

MATIBAY ang kanyang paniniwala na mayroon pa siyang pag-asa kahit naligaw ang  kanyang landas, na kaya pa  niyang umasenso dahil sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ang paniniwalang ito ang  nagtulak  kay Elmer Opis, taga-Buenavista, Marinduque, upang kumuha ng technical-vocational (tech-voc) course na Refrigeration and Airconditioning  Technology (RAC) NC ll noong 2017. Ngayon ay may sarili na siyang service shop sa kanilang lugar.

Elmer OpisHindi na nakapag-aral sa  kolehiyo si Elmer pagka-graduate ng high school noong 1999, dala ng kahirapan.   Agad siyang  na-ghanapbuhay,  tulad ng kanyang ama na isang ice cream vendor.  Gayunpaman, nalihis ang kanyang landas at nalulong  sa illegal drugs.

Dahil sa kagustuhan niyang tuluyang talikuran ang  droga,  agad siyang nagpatala sa Torrijos Poblacion School of Arts and Trades (TPSAT) nang malaman nito sa munisipyo ng Buenavista na may pa-training sa kuwalipikasyong RAC NC ll ang TESDA Region 4-B para sa mga taga-Buena­vista.

Pagka-graduate, nagpatayo siya ng kanyang shop, “Siyempre noong una,  nang magbukas ako ng shop, kaunti pa lang ang aking mga customer.  Kilala kasi nila ako sa pagtitinda ng ice cream.  Buti na lamang mayroon akong mga dating ka­kilala at naging customers ko.  Dahil siguro sa maayos naman ang mga nare-repair kong mga ref at aircon,  kaya unti-unting dumarami na ang naghahanap sa akin.”

Dahil sa kanyang training sa  RAC Servi­cing, nakikita na ni Elmer   ang landas na kanyang nilalakbay. “Ngayon kumikita na ako ng sapat at minsan ay sobra pa para sa aming pang-araw-araw na gastusin at alam kong sa darating pang panahon umaasa ako na mas uunlad pa itong aking negos­yo.”

Itinuturing ni Elmer na masuwerte siya dahil nakapag-aral siya sa  TESDA TPSAT at nagpapasalamat  da-hil binago nito ang kanyang buhay.  “Kung dati, problema ako ng aking mga magulang,  ngayon  nakikita ko na ang kabuluhan ng aking buhay. Sa mga katulad ko na nalulong  sa drugs hindi pa huli ang lahat.  Puwede pa tayong magbago,matutulungan tayo ng TESDA upang makahanap ng oportunidad.  Kailangan lang natin na gawing seryoso ang ating pagbabago.”

Comments are closed.