TINAWAG siyang “Pride of the Mansaka Tribe.”
Ganito ipinagmalaki si Heinrich M. Omlaan, 22, hindi lamang ng kanyang tribu kundi ng buong bansa dahil sa iniuwi nitong mga parangal sa kanyang pagsali sa iba’t ibang kumpetisyong pang-international at lokal sa Welding Category habang nagsasanay sa kinuha nitong technological-vocational course na 2-year Diploma in Welding Technology. Isa rito, ang tinanggap niyang gold award sa 2017 Vis-Min Zonal Skills Competition, Welding Category at isa rin siya sa walong Filipino competitors sa idinaos na Association of Southeast Asia Nations (ASEAN) Skills Competition “WorldSkills Bangkok 2018” sa Bangkok, Thailand na tumanggap ng Medallion for Excellence award sa nasabi ring larangan.
Sa kasalukuyan, si Heinrich ay nag-aaral ng Japanese Language bilang paghahanda sa kanyang deployment bilang overseas Filipino worker (OFW) matapos siyang matanggap na welder sa Uzushio Electric Co. Ltd., BEMAC, Japan.
Si Heinrich ay kabilang sa Mansaka Tribe, isa sa grupo ng mga katutubong matatagpuan sa Compostela Valley at Davao del Norte. Siya’y taga-Compostela Valley at pangatlo sa limang magkakapatid. Pagsasaka ang hanapbuhay ng kanyang mga magulang, kaya hirap ang mga ito para tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at pag-aaral ng mga anak. Simula bata, pangarap na ni Heinrich na magkaroon ng magandang buhay at matulungan ang kanyang pamilya.
Pagkatapos ng high school, isang taon siyang natigil sa pag-aaral. Tumulong siya kanyang mga magulang sa pagsasaka at nagtrabaho rin siya bilang miner. Nang malaman nito sa kanilang barangay na nagbibigay ng scholarship programs ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga out-of-school youth at indigenous peoples (IPs), agad siyang nagpatala, at kumuha ng exam sa Compostela Valley Scholarship Program (CVSP). Aniya, kailangan niyang kumuha ng vocational course sa TESDA para makakuha ng maayos na trabaho.
Nag-enroll siya sa sa kursong 2-year Diploma in Welding Technology sa RTC-Korea Philippines Vocational Training Center sa Davao City at nagtapos noong 2017. “Malaki ang natulong nito sa akin, unang-una sa kaalaman ko, at nagkroon ako ng opportunity na makasali sa mga kompetisyon ng welding sa lokal at international. Dahil din dito, naging proud ang pamilya ko sa akin. Nakabili na ako ng motorsiklo at nabigyan ko na ng sariling negosyo ang aking pamilya. Nabigyan din ako nang pagkakataon na makapagtrabaho sa abroad,” ani Heinrich.
Ang una niyang naging trabaho pagka-graduate ay bilang welder-fabricator sa Davao Beta Spring.
Payo ni Heinrich sa mga kabataan na gustong sundan ang kanyang yapak, “mag-TESDA po tayo dahil malaki ang maitulong nito sa atin para ma-enhance natin ang ating skills at magkaroon ng magandang trabaho at opportunity sa buhay. Mangarap lang tayo at magsikap hanggang magtagumpay.
“Malaki po ang pasasalamat ko dahil po sa TESDA nakarating ako sa kinaroroonan ko ngayon. At nagkaroon ako ng magandang pamumuhay at pag-asa sa buhay. Sana’y marami pa pong matulongan kayo na katulad ko.”
Comments are closed.