NAVOTAS CITY – TIMBOG ang dalawang hinihinalang drug personalities kabilang ang isang dating pulis matapos maaktuhan ng kanyang dating mga kabaro na nag-aabutan ng shabu.
Kinilala ni Navotas Maritime Police Station Supt. Virgil Ranes ang naarestong mga suspek na si Ferdinand Raguin, 51, dating police at Jerry Aspe, 42, kapwa ng Market 3, Squatters Area, NFPC, Brgy. NBBN.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Ernesto Ravanera Jr., dakong ala-1:15 ng hapon, nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ng Maritime Police sa pangunguna ni SPO2 Manny Vidal, PO3 Oldarico Quinabato Jr, PO3 Jacinto Gammad Jr, PO1 Ariel Bustillo, PO1 John Jeffrey Tristan, PO1 Nikki Pepito, PO1 Christian Cresencio, PO1 Ilouje Demdam at PO1 Kevin Tan sa kahabaan ng Palengke St., Brgy. NBBN nang maaktuhan ng mga ito ang isang lalaki na may inaabot na isang plastic sachet ng hinihinalang shabu sa isa pang lalaki.
Nilapitan ng team ang mga suspek saka inaresto at nang kapkapan ay nakumpiska sa mga ito ang limang plastic sachets na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu.
Kasong paglabag sa RA 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga naarestong suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office habang dadalhin naman sa PNP Crime-Lab Office sa Camp Crame ang mga nakuhang ebidensiya. VICK TANES/EVELYN GARCIA
Comments are closed.