DATING SCHOOL DROP-OUT, NGAYON AY NEGOSYANTE NA; TECH-VOC GINAWANG TULAY SA PAG-ASENSO

TESDA

MALAKING hamon para sa kanya ang palagiang pagtigil sa pag-aaral lalo na nang tumuntong siya ng high school hanggang college sa kadahilanang di kayang matustusan ng mga magulang ang kanyang pag-aaral.

Russel Sulat AramayAng balakid na ito ang nagtulak kay Russel Sulat Aramay, taga-Barangay Amungan, Iba, Zambales upang subukan ang technical-vocational course mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pag-asang ito ang magbibigay sa kanya ng mas maganda pang oportunidad.

Pagsasaka ang ha­nap-buhay ng kanyang mga magulang ngunit maliit lamang ang kinikita ng mga ito kaya hirap tustusan ang pag-aaral nilang walong magkakapatid. Idagdag pa dito ang sakit na dumapo sa kanyang ama na sa huli ay pumanaw rin.

Bunsod nito, ang batang Russel ay napilitang magsaka sa kanilang lugar upang makatulong sa mga pinansyal na pangangailangan at maipagpatuloy ang pag-aaral.

“Paulit-ulit akong nahihinto sa aking pag-aaral noong ako’y high school dahil hindi matustusan ng mga magulang ko ang aking pag-aaral,” pahayag ni Russel.

Dahil 2nd year lang ang kanyang natapos sa high school, ‘di siya nakakuha ng magandang trabaho maliban sa pagsasaka.

Dahil sa Alternative Learning System (ALS), natapos ni Russel ang kanyang high school at sa tulong ng kanyang tiyahin, siya ay nag-enroll sa kolehiyo. Dahil sa kawalan ng sapat na panggastos hanggang 3rd year lamang ang kanyang inabot.

Naisipan niyang mag-abroad sa pagbabaka-sakaling gumaan ang kanilang buhay subalit may nagpayo sa kanya na mas madaling makapag-abroad kapag mayroong National Certification (NC ll) sa isang kursong teknikal.

Nag-enroll siya sa Housekeeping NC II sa Sand Valley Institute of Arts and Trades Inc. (SVIATI), isa sa mga accredited tech-voc schools ng TESDA sa Zambales at nakumpleto ang kurso noong 2013.

Pagka-graduate nito ay agad naman siyang nag-apply ng trabaho sa Saudi Arabia kung saan na­gamit nito ang kanyang tinapos na kurso at nagtrabaho sa isang hotel. Naging barista rin siya sa isang coffee shop sa Saudi.

“Malaking tulong talaga sa akin at sa ­aking pamilya ang pag-a-abroad at hindi ko ito magagawa kung hindi dahil sa tech-voc course na kinuha ko sa SVIATI,” paglalahad ni Russel.

Nakatulong umano siya sa pagpapaaral ng kanyang mga pamangkin at ilang pinsan. Nakabili na rin siya ng tricycle na kanilang ginagamit sa pagnenegosyo, nakaipon ng pondo at nakapagpundar na ng mga ari-arian.

Sa ngayon, tumigil na si Russel sa pagi­ging OFW mula pa noong December 2017 at inaasikaso na lamang niya ang sisimulang negosyo na isang resort sa kanilang lugar. Kasosyo niya rito ang kanyang tiyahin.

Balak din ni Russel na kumuha pa ng ibang kurso ng TESDA gaya ng Barista at Massage Therapist bilang paghahanda na rin sa kanilang uumpisahang negosyo.

Maliban dito, aktibo rin siya sa mga community projects, tulad ng medical, literacy at feeding program, gayundin sa tree planting at coastal clean-up.

Malaki ang pasasalamat ni Russel sa Panginoon sa magandang pangyayari sa kanyang buhay.

Ito ang mensahe ni Russel sa TESDA, “utang namin sa inyo ang magandang kinabukasan, nawa ay hindi kayo magsawang tulungan ang mga kabataan at lahat ng mamamayan na gustong maging maayos ang kinabukasan.”

Comments are closed.