DAYUHAN DINAKIP SA MAPANGANIB NA ELEKTRONIKONG BASURA

CAVITE – NAKASAMSAM ang NBI-Cavite District Office (NBI-CAVIDO) ng 139,464 kilos ng mga mapa­nganib na elektronikong basura na binubuo ng iba’t ibang electronic scrap board sa loob ng Ivan Metals. Co. Inc. sa Warehouse #9, 1st Solid Compound, Paliparan, Dasmarinas City.

Ito matapos na ihain ang Search Warrant na inisyu nitong Agosto 9, 2024 na nag-ugat sa kasong inireklamo laban kay alyas Ivan at Ivan Metals Co. Inc. para sa umano’y transportasyon, pagproseso at pag-iimbak ng mga hazardous electronic waste na walang kaukulang permit mula sa Environment Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na siyang paglabag sa R.A. No. 6969 o mas kilala bilang “Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990.”

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, saverification na ginawa sa DENR-EMB ay napag-alaman na walang record ng Environmental Compliance Certificate (ECC), Wastewater Discharge Permit, HW Transporter Registration Certificate at TSD Registration Certificate at Permit to Operate ang inisyu sa nasabing kompanya.

Nabatid din mula sa Business Permit at Licensing Office ng Dasmarinas City ay nabunyag na walang mga permit/lisensya na inisyu sa Ivan Metals Co. Inc. bago sumali sa naturang negosyo.

Sa nasabing Search Warrant, inaresto ang dayuhang si Huang Xiaoming, Manager ng Ivan Metals Co. Inc., dahil sa iligal na transportasyon, pagproseso at pag-iimbak ng mga mapanganib na electronic basura na walang permiso.

Nitong Lunes, isinailalim ang dayuhan sa inquest proceedings sa City Prosecutors Office ng Dasmariñas, Cavite para sa paglabag sa Sec. 13(d) kaugnay ng Sec. 14(b) ng Republic Act No. 6969.

SID SAMANIEGO