MALAKI ang ipinagbago ng buhay ni Melba Carino, single mom at may dalawang anak.
Mula sa glomorosong pananamit ngayon ay simpleng pambahay na lamang ang getup niya.
Dahil bago ng March 16, 2020, petsa na simula ng enhanced community quarantine (ECQ) isang dealer ng cosmetics at pabagon si Melba o kilala sa tawag na Aling Liit.
Dahil cosmetics ang kaniyang paninda, laging maayos ang kanyang pananamit, naka-make up at mabango.
Ngunit dahil sa ECQ, na-lockdown si Aling Liit at sa unang dalawang buwan ay umasa lamang sa ayuda ng kanilang barangay ang kinakain ng kanilang mag-ina.
Laking pasalamat ni Aling Liit na mapabilang siya sa nabiyayaan ng P8,000 Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development.
Bukod sa cash aid mula sa DSWD ay nakatikim pa ng tulong si Aling Liit sa ilang organisasyon kaniyang kinaaniban.
Dahil breadwinner si Aling Liit, alam niyang panandalian lamang ang mga ayuda na kaniyang natatanggap kaya naisip niya ang magtinda ng pagkain.
Ang pagtitinda ang isa sa naisip ni Aling Liit at dahil may pumasok sa kanilang lugar na nagde-deliver ng isda na para sa kanya ay senyales na iyon ang kaniyang itinda.
Kaya naman sinubukan niya ang pagtitinda ng isda kung saan ang kaniyang pinuhunan ay ang nakuhang cash aid mula sa DSWD.
Sa una ay nanibago si Aling Liit, dahil mula sa pampaganda at pabango ay isda na ang kanyang paninda.
Ngunit para sa kanya, malansa man ang amoy niya makaraang makaubos ng paninda, mas malaki ang kinikita niya.
Kaya naman kahit general community quarantine na o lumuwag na ang restrictions, tuloy pa rin ang pagtitinda ni Aling Liit ng isda.
Malaki man aniya ang ipinagbago ng itsura at amoy niya, kampante niyang mabubuhay nang disente ang kaniyang mga anak.
Comments are closed.