(Dedesisyunan sa mga susunod na buwan) WAGE HIKE SA 4 REHIYON

INAASAHANG madedesisyunan ang wage hike petition na inihain sa apat na rehiyon sa mga susunod na buwan, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

“The pending petitions are in Region 3, Region 4-A, Region 6, and Region 7,” pahayag ni DOLE OIC Undersecretary Ernesto Bitonio Jr. sa CNN Philippines.

Sinabi ng DOLE official na magsasagawa ang wage boards sa naturang mga rehiyon ng public hearings at public consultations mula ngayong buwan hanggang September at maaaring ilabas ang desisyon sa pagitan ng panahong ito.

Noong nakaraang June 29 ay inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region ang P40 umento sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Direkta nitong mabebenepisyuhan ang may 1.1 million minimum wage earners sa Metro Manila.

Epektibo sa July 16, ang daily minimum pay sa Metro Manila ay itataas sa P610 mula P570 sa non-agricultural sector, at P573 mula P533 para sa agriculture sector, service and retail establishments na may 15 o mas mababa pang empleyado, at manufacturing establishments na regular na nag-e-empleyo ng hindi hihigit sa 10 manggagawa.