DEGREE HOLDER, NATULUNGAN NG TESDA NA MAKAPAGTRABAHO

SA KABILA na isa siyang degree holder, ang kanyang skills na nakuha bilang technical vocational education and training (TVET) graduate ang nagbigay-daan sa kanya para makakuha ng kauna-unahan niyang trabaho.

Marwina Jarawi
Marwina I. Jarawi

Si Marwina I. Jarawi ay isang Tausug na ipina­nganak sa Isabela City, Basilan. Ang kanyang nanay ay taga-Basilan at ang tatay naman niya ay taga-Sulu. Siya ay kasama sa mga 20 na nominado para sa  Idols ng TESDA 2018, Wage-Employed Category, kinatawan ng Technical Education and Skills Development Authority –Autonomous  Region in Muslim Mindanao (TESDA-ARMM).

Siya ay nagtapos ng pag-aaral sa Unibersidad de Zamboanga sa kursong Bachelor of Science in Computer Science (BSCS) noong 2013.

Gayunpaman, isang taon na ang nakalipas matapos siyang maka-graduate ay hindi pa rin siya nakakaha­nap ng trabaho, kaya naisipan ni Marwina na  kumuha ng networking course sa CISCO Academy noong 2014 sa hangarin  na  madagdagan ang kanyang tsansa na makakuha ng trabaho.

Dito niya nalaman na mayroong scholarship ang TESDA-ARMM Language Skills Institute (LSI) sa Spanish Language.

“Na-excite ako at agad akong pumunta sa TESDA-ARMM LSI at nagpa-register,” ayon kay Marwina.

Dahil unemployed pa siya noong 2014 at wala pang mahanap na trabaho na may kaugnayan sa kanyang tinapos na kurso sa kolehiyo,  nag-aplay  siya  sa Southern City Colleges (SCC)  bilang Spanish teacher, pagka-graduate ng Spanish language course sa TESDA. Kaagad naman siyang natanggap sa trabaho.

“Hindi ko nga akalain na ang first job ko ay pagiging Spanish teacher, malayo kasi sa kursong tinapos ko sa kolehiyo hanggang ngayon po, Spanish teacher pa rin ako,” ang masayang pahayag ni Marwina.

Sa kabila na may trabaho na siya, hindi tumigil si Marwina na kumuha pa ng mga karagdagang TESDA trainings.  Siya ay nag-aral ng Customer Services NC ll noong 2015 at isa pang NC ll sa 2D Animation noong 2016.

Bukod sa Spanish subject na itinuturo niya sa kolehiyo, nagtuturo na rin siya ngayon ng Computer subject sa senior high sa Southern City Colleges (SCC).  Nagagamit na niya lahat ng kanyang mga napag-aralan sa mga trabaho niya.

Ang hilig ni Marwina na mag-aral ng iba’t ibang lengguwahe ang naghatid sa kanya para muling bumalik sa TESDA-ARMM LSI. Noong  Marso 2017, siya ay nag-aral ng Arabic  Language  at Saudi/Gulf Culture Training at nitong May 2018 ay nag-enroll siya ng  Mandarin Chinese Language and Culture.

Ang pagiging linguist ni Marwina ay inaasahan na makatutulong sa kanya upang makakuha pa ng ibang trabaho sa hinaharap.

“Thank God and thanks to TESDA-ARMM LSI for the opportunity to learn foreign language. Because of this, I was able to immediately land a job.  It is true that learning another language is a bit difficult but if I was able to learn it, you can also do it.  I believe that learning foreign language will help you look at the world in a different perspective,” pagtatapos ni Marwina.

Comments are closed.