DENGATE PARTE NG P14.1-B SCAM

MASAlamin

ANG MAY P3.5 bil­yon  na ini-release para sa Dengvaxia ay parte ng P14.1 bilyon na ini-release na pondo sa parehong araw, ito ang napag-alaman ng Kongreso na lalong nagpapatibay na maaaring bukod sa tinatawag na ngayong genocide ay pinagkakitaan pa ng dilaw na sindikato ang Dengvaxia at ang mga pondong para sana sa pangkalusugan ng masang Filipino.

Hinihinalang ang P10.6 bilyon na pondo na hiniling ni dating Health secretary Garin at ng Philhealth na gamitin umano para sa ghost construction ng barangay health facilities at P3.5 bilyon na para sa Dengvaxia ay inihabol bago mag-eleksiyon kaya nakukulayan talaga ng dilaw na pondong politikal.

Samantala, aprubado na ng Kongreso ang P1.1 bilyon na pondo para sa mga biktima ng Dengvaxia. Ang pondo ay magsisilbing contingency fund ng mga pamilyang may mi­yembro na nabiktima ng Dengvaxia.

Bukod sa pondong ito na para sa medical needs ng mga 800,000 na naturukan ng Dengvaxia, huwag sanang kalimutan ang pananagutan ni da­ting pangulong Noynoy Aquino kasama ang mga miyembro ng kanyang Dengate Gang ukol sa unti-unting lumilinaw na maaaring multi-bilyong pisong scam na ito.

Tunay naman ka­sing tumitining at lumilinaw ang pananagutan ng gang ni Noynoy sa pagkakaineksiyon sa may 837,000 mga batang Pilipino ng peligrosong Dengvaxia experimental vaccine at coincidence sa paggalaw sa multi-bilyong pondo ng Philhealth para sa ghost projects.

Plunder at genocide ang nararapat na kasong kinakaharap ng mga sangkot dito.

Ayon sa imbestigas­yon sa Senado: 1) alam na ng mga nagsabwatan na may ebidensiya na delikado ang Dengvaxia sa mga seronegatives o mga taong hindi pa nagkaka-dengue bago pa man pinilit na isyuhan ito ng Certificate of Product Registration ng Food and Drug Administration na kontrolado ni Garin, 2) ang Phase 3 trial ng Dengvaxia ay hindi pa tapos kung kaya’t malinaw na isinugal ang buhay ng ating mga kababayan para sa sariling kadahilanan ng gang ni Noynoy, 3) mahiwagang hindi lumalabas sa mga local analyses ang mga ebidensiya na nakasasama ito sa mga seronegatives at 4) ang World Health Organization ay hindi dapat inirekomenda ang Dengvaxia maging sa mga lugar na may high prevalence ng dengue.

Inamin na rin naman ng manufacturer ng Dengvaxia, bagama’t huli na, na nakasasama ang nasabing vaccine para sa mga seronegatives o mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue. Kaya sa pag-aming ito ang lahat ng nagkakasakit at namatay na mga seronegative ay kagagawan ng Dengvaxia, malinaw ‘yan hindi na kailangan pang palali­min pa ang imbestigas­yon. Sa mismong salita na lamang ng manufacturer ay swak na sa korte ang mga ito at ang kanilang mga kinasabwat sa pamahalaan upang mapadali ang pagtuturok nito sa mga batang Filipino.

Sinabi na rin ng eks­pertong si Dr. Scott Halstead na napagsabihan na ang manufacturer ng Dengvaxia sa maaaring health disaster nito sa bansa ngunit itinuloy pa rin at nakamamangha ang dami ng mga pinagtuturukan.

Ngayon na sunod-sunod na mga bata ang nangamamatay ay nine­nerbyos ang mahigit sa 800,000 na pamilyang Pilipino. Ang hinihintay ng taumbayan ay ang pagpapanagot sa batas ng mga dapat managot mula sa pamahalaan at Sanofi, at bukod sa ibalik ang pondo ng pamahalaan ay bayaran ang mga danyos perwisyo na idinulot nito sa bawat apektadong pamilyang Filipino na naulila at iba naman ay hindi mapagkatulog sa pag-aalala para sa kani-kanilang mga kaanak. Hindi mababayaran ang katiwasayan, lalo’t ibayong ligalig at kawalan ng kapayapaan ang dinala ng Dengvaxia sa higit walong daang-­libong tahanan sa bansa.

Comments are closed.