PARAÑAQUE CITY – ISANG mister na nagkaroon ng depression ng maoperahan sa puso ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili matapos na patayin ang kanyang mag-iina kamakalawa sa Parañaque City.
Base sa imbestigasyon, binaril muna ni Manolo Benigno De leon, 52, na nakatira sa 51 Amythest St., Greenheights Subdivision, Barangay San Isidro, Parañaque City, ang kanyang asawang si Dianne Cristel at mga anak na edad 14 at 9 bago nagbaril sa sarili gamit ang isang .45 caliber pistol.
Ayon sa report na natanggap ng hepe ng Parañaque City Police na si PCol Jojo Rosales, nakita ng housemaid ng pamilya na si Jackie Olesco, 52, ang wala nang buhay na pamilya dakong 2:30 ng hapon.
Sa pahayag ni Olesco sa pulisya bago ang insidente, siya ay inutusan ni Manolo na bumili ng olive oil sa supermarket dakong 12:00 ng tanghali.
Dagdag pa ni Olesco, na siya ay nakabalik ng bahay dakong alas-2:30 ng hapon at nagtaka na lamang siya na sarado ang gate ng bahay at tahimik ang buong kabahayan.
Ayon pa kay Olesco, kahit na siya ay sumigaw upang pagbuksan ng gate ay walang lumalabas kahit isa sa mga biktima kaya siya ay humingi na ng saklolo sa ina ni Dianne na si Teresita Matias.
Ayon sa pahayag ni Matias, siya ay tumulong na rin kay Olesco na sumigaw sa labas ng gate sa pagtawag sa magpapamilya ngunit wala pa ring sumagot.
Pahayag pa ni Matias na kasama si Olesco ay umakyat sila ng bakod dahil walang sumasagot isa man sa magpapamilya na kanilang tinatawag.
Laking gulat nina Matias at Olesco nang makitang duguan at wala ng buhay ang buong pamilya ng sila ay makapasok sa loob ng bahay.
Ayon sa pulisya, ang bangkay nina Manolo at ang anak na lalaki ay natagpuan sa loon ng master’s bedroom habang ang bangkay naman ni Dianne ay nakita sa driver side ng SUV na posibleng tatakas sana para iligtas ang sarili at ang bangkay naman ng anak na babae ay natagpuang nakaupo sa sofa.
Maayos din ang lahat ng kagamitan ng mga ito at walang palatandaang pinaglooban ito. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.