BUMUO ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas ng isang diagnostic team na kinabibilangan ng mga rural health physicians upang makapagsagawa ng mas maraming testing sa mga residente ng lungsod na may sintomas ng coronavirus disease (COVID-19).
Sinabi ni Dr. Daniel Candido, rural health officer ng Barangay Pilar, ang pagbubuo ng diagnostic team ay pinangunahan ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar bilang isang hakbang ng lokal na pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.
Ayon kay Candido, ang binuong diagnostic team ay nagkaroon ng planning session kung saan napag-usapan dito kung papaano maihahati-hati ang kanilang trabaho upang makakuha ng mas maraming pasyente na may sintomas ng naturang virus para makapagsagawa ng swab testing sa mga ito.
Para naman sa panig ni Dr. Juliana Gonzalez, deputy incident commander on COVID-19, ipinag-utos ng lokal na pamahalaan sa diagnostic team ang pagsasagawa ng mas maraming testing na prayoridad ang mga city health workers at ang mga residenteng na-expose sa virus.
Nanawagan na rin si Gonzalez sa mga residente ng lungsod na may sintomas ng COVID-19 gayundin ang mga indibidwal na nagpositibo sa naturang virus na agad na makipag-ugnayan sa kanila upang makapagsagawa na rin agad sila ng contact tracing.
Napag-alaman din sa City Health Office (CHO) nagsagawa sila ng 28 swab testing sa Las Pinas Rehabilitation Facility kung saan ang karamihan sa mga pasyente ditto ay mga bata na nagkaroon ng ‘close contact’ sa mga taong may sintomas ng COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.