DIAZ BIYAHENG CHINA

Diaz

AALIS ngayong buwan patungong China si Brazil Olympics silver medalist Hidilyn Diaz para mag-training ng dalawang buwan sa Jiling province bilang paghahanda sa World Weightlifting Championships na gagawin sa Chiang Mai, Thailand sa Setyembre at sa  Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa Disyembre.

Ayon sa Chinese coach ni Diaz na si Kai Weng Gao, sasamahan niya si Diaz sa training nito para masusi itong magabayan.

Mapapalaban ang Pinay sa mga bigating lifters mula sa  mahigit 50 bansa  sa 53kgs.

Ang torneo sa Thailand ay kasama sa anim na qualifying sa 2020 Tokyo Olympics kung saan puntirya ng anak ng isang tricycle driver sa Zamboanga na masungkit ang ginto na hindi niya nakamit sa Brazil Olympics makaraang magkasya sa pilak.

“The two-month training is very important in her preparation for the World Weightlifting in Thailand,” sabi ni Gao.

Magugunitang na­nalo si Diaz sa Asian Weightlifting Championships sa Thailand at naglaro sa Olympic qualifying tournament na ginawa sa John Brown Convention Centre sa Houston, Texas, USA kasama si Weightlifting Association of the Philippine vice president Prof. Elbert ‘Bong’ Atilano.

Si Gao ay kinuha ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William Ramirez para pagalingin pa si Diaz.

Ito ang pangalawang beses na magsasanay si Diaz sa China, ang una ay noong Pebrero sa Hainan Province kung saan ginawa ang 2010 Asian Games. CLYDE MARIANO

Comments are closed.