NADOMINAHAN ni Rio 2016 Olympics silver medalist at 2019 Southeast Asian Games gold medalist Hidilyn Diaz ang 59 kg category ng 2020 Oceania Weightlifting Federation (OWF) Eleiko Email International Lifters Tournament.
Ang resulta ay inanunsiyo ng OWF noong Huwebes ng gabi.
Tinalo ni Diaz ang 50 iba pang atleta sa kanyang category, kung saan pumangalawa si Australia’s Fatima Yukubu at pumangatlo si South Africa’s Johanni Taljaard.
Noong Miyerkoles ay nag-tweet si Diaz ng isang video na may caption tungkol sa online competition.
“Dapat maglalaro ako kahapon sa #Tokyo2020. Dahil sa COVID-19, na-postpone ang Olympics, na-move next year. Buti na lang may online competition nakabuhat ako ng 95 kgs sa snatch 121kgs sa clean and jerk,” sabi ni Diaz.
Bagama’t inabutan ng lockdown sa Malaysia dahil sa COVID-19 pandemic, sinisiguro ni Diaz na nananatili siyang nakapokus sa qualifying para sa isang slot sa Tokyo Olympics.
Ayon sa OWF, sa pamamagitan ng torneo ay nakapagbigay sila ng pagkakataon sa lahat ng lifters sa buong mundo na nakararanas ng mga hamon sa kanilang pagsasanay dahil sa mga paghihigpit bunga ng COVID-19 pandemic.
Comments are closed.