DISKRIMINASYON INSPIRASYON TUNGO SA TAGUMPAY

HINDI nagpagupo sa diskriminasyon, sa halip ginamit niya itong inspirasyon upang lalong magsikap, magpursige at magtagumpay sa buhay.

Sa pamamagitan ng technical vocational (tech-voc) course ng Technical Educational and Skills Development Authority (TESDA), napagtagumpayan ni Ramon P. Villanueva, Jr., taga Cabaruan, Cauayan City, Isabela, isang polio victim, ang mga diskriminasyon na kanyang natatanggap hindi lamang mula sa ibang tao kundi maging sa mismong pamilya nito dahil sa kanyang kapansanan.

Ramon Villanueva
Ramon Villanueva

“Diskriminasyon ay laging nagsisimula sa bahay. Ito ang feeling ko dati. Dahil wala akong naitutulong minsan sinasabihan ako, mabuti pa ang baboy kapag inalagaan mo at lumaki may pera. Iyan ‘yung mga term noong bata pa ako na lagi kong naririnig na hanggang ngayon ay iyon ang nagmo-motivate sa akin na magpursige,” paliwanag ni Ramon.

Bata pa siya nang mamatay ang kanyang ina, at ang tatay naman niya ay nag-asawa muli. Iniwan silang apat na magkakapatid ng kanilang ama sa pangangalaga ng kanilang lolo’t lola hanggang sa makatapos siya ng high school.

Sampung taon siyang natigil sa pag-aaral pagkatapos ng high school noong 1997. Naglayas siya hanggang nakarating ng Maynila dahil hindi tinupad ng kanyang ama ang pangakong pag-aaralin siya sa kolehiyo.

Noong 2007, bumalik si Ramon sa kanilang bahay sa Isabela at nakiusap na mag-enroll ng 2-year course sa Computer Programming sa STI, Cauayan, Inc., Isabela, isa sa mga accredited schools ng TESDA.

Nag-self supporting na siya sa kaniyang ikalawang taon sa pag-aaral dahil nakapagtrabaho siya bilang layout artist sa isang lokal na trading press at part-time encoder sa isang private lending business.

Nagtapos na may honor, kaya agad siyang kinuha ng kanyang school na recipient ng School’s Enrollment to Employment Program noong 2009.

Ang una niyang naging trabaho ay isang cashier at agad din namang na-promote bilang IT instructor at kasalukuyan, siya na ang School Registrar and System Administrator ng STI Cauayan, Inc.

Apat ang hawak na TESDA National Certification (NC) ni Ramon, PC Operation NC ll, Computer Programming NC lV, Computer Systems Servicing NC ll at Trainers Methodology (TM) NC ll.

At upang mapalago pa ang kaniyang mga achievement at kaalaman, nag-enroll at nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Information Technology (BSIT) si Ramon sa Saint Paul University Philippines-Tuguegarao City nitong June 30, 2018. Sa kasalukuyan, kumukuha siya ng kanyang master’s degree.

Nagsa-sideline din siya bilang tutor sa gabi, karamihan sa kanyang mga estudyante ay mga graduating sa kolehiyo.

Ang istorya ng kanyang pagpupunyagi ay dalawang beses na isinali sa TESDA Video Making Contest, noong 2014 at 2016 kung saan nakasama sa top 20 ang kanyang huling entry. Isa rin siya sa apat na person with disability (PWD) na pinarangalan bilang successful technical-vocational education and training (TVET) graduates nitong nakaraang July taong kasalukuyan.

Pangarap n’ya na magkaroon ng negosyo na may kaugnayan sa computer sakaling magkaroon ng puhunan at magkaroon din ng pamilya. Sa kasalukuyan, pag-aaral muna ang kanyang tinututukan.

Bilang TVET graduate, nakapagtrabaho agad siya, nakabili na ng bahay at ilang ari-arian, higit sa lahat, nagkaroon ng lakas ng loob at tiwala sa sarili.

Sinabi ni Ramon na katuparan ito ng kanyang pangarap na magkaroon siya ng mga pag-aari na masasabing kanyang-kanya, na walang sisita.

Payo sa mga kabataan: “Kung gusto mo talaga ang skills and knowledge, na magkaroon ka ng pundasyon, maganda talaga ang tech-voc. Kung magtutuloy ka man ng 4-year, strong na ang foundation mo. So madali na lang, libre pa.

“Napaka-importante sa akin ang tech-voc, kasi ‘yung mga pangarap ko unti-unting naabot thru TESDA. Kaya lagi kong sinasabi na I’m proud na graduate ako ng TVET,” ayon kay Ramon.

Comments are closed.