MELBOURNE – Pinalaya si world number one Novak Djokovic mula sa Australian immigration detention nitong Lunes makaraang panigan ng korte upang buhayin ang kanyang kampanya para sa record 21st Grand Slam title sa nalalapit na Australian Open.
Sinabi ni Judge Anthony Kelly na ang desisyon ng federal government noong nakaraang linggo na kanselahin ang visa ng tennis star para makapasok sa bansa ay “hindi makatuwiran” at iniutos ang pagpapalaya kay Djokovic.
Ang kapalaran ni Djokovic ay masusing sinusubaybayan sa buong mundo, kung saan lumikha ito ng political tensions sa pagitan ng Belgrade at ng Canberra at nag-udyok ng mainit na debate sa national vaccination mandates.
Ang balitang pagpapalaya sa tennis star ay sinalubong ng mainit na selebrasyon ng drum beating at dancing ng isang grupo ng may 50 supporters, marami ay nagwagayway ng Serbian flag, sa labas ng Melbourne court.
Inatasan din ni Kelly ang federal government na bayaran ang legal costs para sa Djokovic, na ilang araw na nanatili sa isang immigration detention hotel, at binigyang-diin na iginiit ng kanyang mga abogado na “maaaring naapektuhan ang kanyang personal at professional reputation, gayundin ang kanyang economic interests.”
Gayunman, ipinahiwatig ng mga abogado ng federal government na maaaring hindi pa tapos ang laban, at sinabi sa korte na nirereserba ni Immigration Minister Alex Hawke ang karapatang gamitin ang kanyang personal power na muling kanselahin ang visa ni Djokovic.
Makaraang makumpirma na kapag ipinatupad ang naturang hakbang ay maba-ban ang 34-year-old na si Djokovic sa bansa ng tatlong taon, nagbabala si Kelly sa government lawyers na “the stakes have now risen, rather than receded.”
Ang Australian Open ay nakatakdang magsimula sa Jan. 17.
Sinabi ni Kelly na ibinasura niya ang desisyon ng gobyerno na kanselahin ang visa ni Djokovic dahil hindi nabigyan ng sapat na panahon ang player na makipag-usap sa tennis organisers at lawyers makaraang ganap na makatugon matapos na abisuhan sa intensiyong kanselahin ang kanyang visa.