Sa gitna ng mga pagbaha dahil sa bagyong Enteng, naglabas ng public health advisory warning ang Department of Health laban sa leptospirosis.
Sa isang statement, nagpaalala si Health Secretary Ted Herbosa na iwasan hangga’t maaari ang paglusong sa tubig baha.
Kung hindi naman maiwasan na ma-expose sa tubig baha, pinapayuhan ang mga ito na maghugas ng mabuti gamit ang sabon.
Dapat din kumonsulta agad sa doktor o health center sa loob ng isa hanggang dalawang araw kahit walang sugat o nararamdamang sintomas.
Base sa pinakabagong datos mula sa DOH, lumobo ang mga kaso ng leptos kasunod ng mga pagbaha dala ng nakalipas na kalamidad.
Sa datos noong Agosto 17, nakapagtala na ang ahensiya ng kabuuang 3,785 na kaso ng leptos sa buong bansa.
Samantala, ipinaalala rin ni Sec. Herbosa ang kahalagahan ng pag-inom ng antiobiotic prophylaxis para mapigilan madapuan ng leptos gayundin ang pagpapakonsulta at prescriptions na libre sa mga government health center.
Ipinaalala rin ng kalihim na nananatiling nasa price freeze ang gamot kontra leptos na Doxycycline sa mga lugar na apektado ng nagdaang bagyo hanggang sa Setyembre 23 ng kasalukuyang taon.