NAGSUMITE na ang Department of Justice (DOJ) sa Malacañang ng posisyon sa isyu ng pagbaba ng age of criminal liability o ang edad na maaring parusahan sa krimen.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na sa hiling ng Office of the President ay nagsumite sila ng position paper kaugnay rito.
Bahala na umano ang Palasyo na suriin ang kanilang rekomendasyon at isapubliko ito.
Taong 2016 ay ipinahiwatig na ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre na ang age of criminal liability ay puwedeng ibaba sa edad na 13-anyos.
Samantala, lumusot na sa ikalawang pagbasa ang pagpapababa ng edad ng criminal liability sa deliberasyon sa House of Representatives sa 12-anyos.
Subalit hindi katulad ng panukala ng Committee on Justice na ibaba ito sa 9-anyos, napagkasunduan ng plenaryo na hanggang 12-anyos na lamang.
Nitong Lunes ay inaprubahan ng House Committee on Justice ang panukala na nag-aamyenda na ibaba ang edad ng criminal responsibility mula 15-anyos sa 9-anyos.
Sa napagkasunduan sa plenaryo ang bagong bersiyon ng Kamara ay tumutugma rin sa Senate Bill 2026 ni Senate President Vicente Sotto na ibaba sa 12-anyos ang criminal liability na siya ring suhestiyon ng Department of Social Welfare and Development. EQ
Comments are closed.