PARA matugunan ang mga pangangailangan sa mental health sa mga lugar sa trabaho, hinimok ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na i-access ang mental health services na iniaalok ng iba’t ibang providers sa buong bansa.
Hinihikayat din ang mga employer na bumuo ng recommended work arrangements, kabilang ang karagdagang leave benefits at flexible work set-up, para sa mga empleyado na maaaring mangailangan ng medical attention.
Hinihimok ng Labor Advisory No. 19, Series of 2023, o ang Supplemental Guidelines on the Implementation of the Mental Health Policy and Program in the Workplace, na inisyu ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma noong September 15, ang mga employer na magkaroon ng mga mekanismo para maka-access ang mga empleyado ng mental health at self-care services.
Kabilang sa mga serbisyong ito, ayon sa advisory, ay ang Lusog-Isip application, na maaaring ma-access sa pamamagitan ng https://selfhelp.cbdr.org.ph/ at https://lusog-isip.doh.gov.ph/.
“Employers shall also refer employees requiring mental health services to the different facilities of the Department of Health-retained hospitals or rural health units for consultation, screening, diagnosis, medication, treatment, and provision of psychosocial support,” nakasaad pa sa advisory.
Hinihikayat din ang mga employer na magpatupad ng flexible work arrangements, re-scheduled work hours, at iba pang work set-up, kabilang ang telecommuting.
Para matiyak ang confidentiality, ipinaalala ng labor department na ang medical records ng concerned employees ay dapat itago alinsunod sa Data Privacy Act upang maiwasan ang unauthorized access, accidental o unlawful destruction, alteration, disclosure, at iba pang unlawful processing.
Binigyang-diin sa Labor Advisory No. 19 na ang mga employer at empleyado ay may shared responsibility para sa epektibong pagpapatupad ng mental health policy at program sa lugar ng trabaho.