(DOT sa Boracay LGUs) TRAVEL REQUIREMENTS PADALIIN

NANAWAGAN ang Department of Tourism (DOT) sa mga kinauukulang local government units (LGUs) sa Boracay Island na padaliin ang travel requirements makaraang makatanggap ng mga reklamo ng nasirang tra­vel schedules mula sa mga bisita.

“The DOT expresses its concern on the numerous complaints related to the delayed processing of visitors’ requirements, leading to missed flights and disrupted travel schedules, particularly from leisure travelers applying for entry to the Municipality of Malay that covers the island of Boracay,” wika ng ahensiya sa isang statement.

Sinabi ng DOT na nakiusap na ito sa mga kinauukulang LGU na simplehan ang travel requirements para sa mga bisita, at binigyang-diin na mahalagang sangkap ito sa pagtiyak sa pagbangon ng tourism industry ng isla at ng mga manggagawa na naapektuhan ng nagpapatuloy na pandemya.

Hiniling din ng ahensiya sa lahat ng LGUs sa isla na tiyakin na hindi magiging mahirap at masalimuot para sa mga biyahero ang requirements.

“After all, the pace at which the industry can bounce back from its losses will be largely determined by the policies that will be implemented by the national and local government, and the participation and cooperation of its tourism stakeholders and the traveling public,” sabi pa ng DOT.

Sinabi ni Aklan Governor Florencio Miraflores noong nakaraang Biyernes na simula  nitong November 16, ang negative RT-PCR test results ay hindi na kailangan para sa fully vaccinated tourists.

Gayunman, ang mga turista ay kailangang magprisinta ng vaccination certificates na kinuha mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Tatanggapin din ang vaccination cards na inisyu ng local government units basta mayroon itong QR codes.