(DTI binalaan ang online sellers) ‘NO VIDEO, NO RETURN’ POLICY ILEGAL

BINALAAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga online seller laban sa pagpapatupad ng “no video, no refund” policy.

Ginagamit ng online retailers ang “no video, no refund” policy para sa i-record ng mga customer ang kanilang sarili kapag tinatanggap at binubuksan nila ang kanilang mga order. Hindi nila papalitan ang item na depektibo, o isasauli ang bayad para rito, kapag walang video.

Ayon kay DTI Assistant Secretary Amanda Nograles, ang “no return, no refund or exchange”  policy ay bumabagsak sa ilalim ng ”deceptive, unfair, and unconscionable sales acts or practices”, na paglabag sa Republic Act 7394, o ang  Consumer Act of the Philippines. “Sa katotohanan, ‘yung ‘no return, no exchange’ isa rin ‘yan na ipinagbabawal ng DTI kasi karapatan ng consumer na puwede niyang ibalik ‘yung item na nabili niya kapag ito ay depektibo. Kapag ‘yung item ay depektibo, bukod sa ibalik ‘yung item, may option din siya na humingi ng replacement o puwede rin siyang humingi ng full refund ng item na binili niya, pwede rin niyang ipa-repair,” pahayag niya sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Paliwanag ni Nograles, na siya ring supervising head ng DTI Consumer Protection Group, ang deceptive sales acts ay maaaring maganap ”before, during, and after the sale.”