(DTI sa vax manufacturers) MAG-INVEST SA PINAS

bakuna

SA GITNA ng kakulangan sa supply ng bakuna kontra COVID-19 sa buong mundo, hinimok ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez ang mga vaccine manufacturer na gawing karagdagang production base nila ang Pilipinas.

“What the vaccine technology owners need is really to multiply their manufacturing capacity because if they will just depend on their existing capacity, the global supply versus global demand is really insufficient,” sabi ni Lopez.

Aniya, ang ganitong uri ng investment ay may kaukulang insentibo sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) law.

Ayon pa kay Lopez, may kakayahan din ang bansa sa paghawak ng COVID-19 vaccines dahil sa pagkakaroon nito ng cold storage facilities.

Walong  pharmaceutical firms, aniya, ang nagpahayag ng kanilang interes sa pamahalaan na mag-tayo ng kanilang mga pasilidad sa bansa.

Dalawa sa pharmaceutical companies na ito, na local firms, ay nakikipag-usap na sa kanilang technology partners sa pagtatayo ng fill at finish facilities sa bansa.

Ang mga kompanyang ito ay aangkat ng bakuna nang maramihan at ire-repack sa vials sa kanilang pasilidad sa Pilipinas.

“These will be licensed vaccines and have emergency use authorization (EUA) here,” anang kalihim.

Sinabi pa ng  trade chief na hindi lilimitahan ang mga vaccine manufacturer sa pagprodyus ng COVID-19 vaccine. Maaari rin silang gumawa ng regular vaccines, o yaong mga ginagamit para sa regular immunization program.

Dagdag pa ni Lopez, bukod sa pagtugon sa local demand, pahihintulutan din silang i-export ang kanilang mga bakuna.  PNA

5 thoughts on “(DTI sa vax manufacturers) MAG-INVEST SA PINAS”

Comments are closed.