NAGPASABOG si Kevin Durant ng season-high 51 points upang pangunahan ang bisitang Brooklyn Nets sa 116-104 panalo kontra Detroit Pistons nitong Linggo.
Ang kabuuang puntos ni Durant ay isang record sa Little Caesars Arena. Tangan ni ex-Pistons forward Blake Griffin, na kasalukuyang naglalaro para sa Nets, ang dating record na 50 points.
Nagdagdag si Durant ng 9 assists at 7 rebounds at nagwagi ang Nets sa ikatlong pagkakataon sa kanilang huling apat na laro.
Tumipa si Patty Mills ng 18 points at nagbigay ng 5 assists para sa Nets, habahg nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 15 points at gumawa si Cam Thomas ng 13 para sa Brooklyn, na na-outscore ang Detroit, 30-13, sa fourth quarter. Pinagpahinga ng Nets si perennial All-Star guard James Harden.
Nanguna si Cade Cunningham para sa Detroit na may 26 points, 8 rebounds, 6 assists at 3 steals. Kumubra si Frank Jackson ng 25 points at nagsalansan si Saben Lee ng 17 points, 6 rebounds, 6 assists at 3 steals.
LAKERS 106, MAGIC 94
Nagbuhos si LeBron James ng 30 points, 11 rebounds at 10 assists upang tulungan ang Los Angeles sa panalo laban sa bisitang Orlando.
Si James ay may 101 triple-doubles sa kanyang NBA career. Umiskor sina Talen Horton-Tucker at Russell Westbrook ng tig-19 , at nagdagdag si Carmelo Anthony ng 13 mula sa bench para sa Lakers, na nanalo ng tatlo sa apat.
Tumirada si Cole Anthony ng 21 points, nakalikom si Franz Wagner ng 20 points, umiskor si Wendell Carter Jr. ng 16 at tumapos si Terrence Ross na may 15 points mula sa bench para sa Magic, na natalo ng limang sunod at 12 of 13.
MAVERICKS 103,
THUNDER 84
Kumana si Jalen Brunson ng 18 points upang pagbidahan ang Dallas sa panalo kontra host Oklahoma City.
Ika-4 na panalo pa lamang ito ng Mavericks sa nakalipas na 13 games at ikalawa pa lamang sa anim na laro na umiskor ang Dallas ng 100 o higit pa. Nagdagdag si Maxi Kleber ng 16 points at umiskor si Moses Brown ng 15 mula sa bench, na kapwa season highs. Nagtala si Kleber ng 5-for-6 mula sa loob ng arc.
Ito ang ika-12 pagkatalo ng Thunder sa 15 games at ika-5 sunod sa home.
Nanguna si Shai Gilgeous-Alexander para sa Thunder na may 18 points, ngunit 6-for-15 lamang mula sa floor, at nakapagpasok ng isa lamang sa 5 tira mula sa three-point area. Wala nang ibang player na umiskor ng mahigit sa 11 para sa Oklahoma City.
SPURS 112,
PELICANS 97
Umiskor sina Jakob Poeltl at Derrick White ng tig-24 points, habang nagdagdag si Dejounte Murray ng triple double nang pulbusin ng San Antonio ang bisitang New Orleans.
Kumabig si Murray ng 10 points, 12 rebounds at 10 assists, at nagdagdag si Keldon Johnson ng 17 points para sa San Antonio. Kumubra si Doug McDermott ng 13 at nagtala si Lonnie Walker IV ng11 points. Kumalawit din si Poeltl ng 12 rebounds, pito rito ay sa offensive end.
Pinangunahan ni Brandon Ingram ang lahat ng scorers na may 27 points para sa New Orleans. Nagdagdag si Jonas Valanciunas ng 17 points at 12 rebounds, gumawa si Nickeil Alexander-Walker ng 15 points, nagposte si Josh Hart ng 13 points at 10 rebounds at nakakolekta si Willy Hernangomez ng 10 points para sa Pelicans.
Sa iba pang laro ay sinakmal ng Timberwolves ang Trail Blazers, 116-111, at ginapi ng Bucks ang Knicks, 112-97.