MAGIGING panauhing pandangal sina Presidente Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa 19th ASEAN + Age Group Chess Championships na gaganapin sa Hunyo 16-27 sa Davao.
Tampok sa torneo ang mga manlalaro mula sa pitong bansa sa Southeast Asia, kasama ang China, India, Australia, New Zealand, at Kazakhstan.
Kinumpirma ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Executive Director Grandmaster Jayson Gonzales ang pagdalo nina Pangulong Duterte at Mayor Duterte-Carpio sa opening ceremony ng torneo.
“The President and her mayor daughter will grace the opening ceremony with NCFP president Rep. Prospero ‘Butch’ Pichay, PSC Chairman William Ramirez, Commissioner Charles Raymond Maxey and ASEAN Chess founder Ignatius Leong ng Singapore,” sabi ni Gonzales.
Ito ang ikatlong pagkakataon na dadalo si Duterte sa malaking sports competition, ang unang dalawa ay sa Palarong Pambansa na idinaos sa Vigan, Ilocos Sur, at sa Philippine National Games sa Cebu City.
Mahigit 500 manlalaro ang kalahok sa 11 araw na torneo kung saan nakalaan ang P20 million para masiguro ang tagumpay nito.
Sinabi ni Gonzales na may 250 manlalaro ang host country at 150 sa Vietnam. Hindi pa malaman ang bilang ng isasabak ng China, India, Australia, New Zealand, Kazakhstan, Malaysia, Singapore, Thailand, Indonesia, Myanmar at Cambodia.
Ang torneo ay may pitong age categories: 8-under, 10-under, 12-under, 14-under, 16-under at 18-under, at suportado ng Philippine Sports Commission sa ilalim ng pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez at may basbas ang Asian Chess Association.
Dahil sa partisipasyon nina Presidente Duterte at Mayor Duterte-Carpio, tiniyak ni Gonzales na magiging matagumpay ang nasabing torneo.
“I am pretty sure the event will be successful because of the unequivocal support of the president and Mayor Sarah,” sabi ni Gonzales. CLYDE MARIANO