DUTERTE NEGATIVE SA COVID-19

Pangulong Rodrigo Duterte-4

SUMAILALIM na kahapon si Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa testing ng coronavirus disease (COVID-19) upang matiyak na ligtas sa naturang virus makaraang maiulat na nakahalubilo ang ilang miyembro ng gabinete na nagkaroon naman ng contact sa taong nagpositibo.

Maging si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na palaging kasama ng Pangulo sa kanyang mga aktibidad ay sumailalim din sa COVID-19 testing sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

“While PRRD and Senator Go do not have the symptoms of the virus, they have opted to undergo the test to ensure that they are fit and healthy to perform their duties as government workers,” wika ni Panelo.

Dakong alas-5:00 ng hapon kahapon nang isagawa ang COVID-19 testing sa Bahay Pagbabago sa PSG Compound kina Pangulong Duterte at Go at inaasahang sa loob ng 48 oras ay malalaman ang resulta ng pagsusuri.

Samantala, hindi natuloy ang nakatakdang pagbisita kahapon ng Pangulo sa  Boracay Island sa Aklan dahil na rin sa COVID-19 development.

Samantala, nag-self quarantine si Davao City Mayor Sara Duterte matapos na sumalang ito sa Commission on Appointments sa Senado kamakalawa.

Lumabas sa report na matapos ang pagtungo sa Senado, isa sa mga staff ni Mayor Sara ay sumama ang pakiramdam  at sumasailalim na bilang person under investigation (PUI).

Matatandaan, isinalang nitong Miyerkoles si Mayor Sara sa CA para sa ad interim appointment bilang Colonel reservist ng Philippine Army na agad namang nakumpirma.

Inamin din ng tanggapan ng alkalde na nagkaroon ng lunch meeting si Mayor Sara kay Senador Sherwin Gatchalian sa Maynila at pinag-usapan nila ang mga mahahalagang bagay para sa lungsod ng Davao.

Gayunpaman, hindi naman nakararanas ng pag-ubo at sintomas ng COVID -19 si Mayor Sara pero mas minabuti ng alkalde na mag-self quarantine bilang precautionary measure. EVELYN QUIROZ, VICKY CERVALES

Comments are closed.