DYIP HUMARUROT

pba

Mga laro sa Miyerkoles:
(Ynares Arena-Pasig)
5 p.m. – Ginebra vs Blackwater
7:30 p.m. – Converge vs TNT

NALUSUTAN ng Terrafirma ang mainit na paghahabol ng Meralco sa fourth quarter upang maitakas ang 107-102 panalo sa PBA On Tour kagabi sa Ynares Arena sa Pasig City.

Nag-init si Eric Camson sa second half upang tumapos na may 30 points habang tinulungan nina Isaac Go at JP Calvo ang forward sa stretch na nagbigay sa Dyip ng ikalawang sunod na panalo sa preseason series.

“As a kuya dito sa team ko, kailangan kong maging good role model sa mga mas bata sa akin,” sabi ni 33-year-old Camson, na mula sa bench ay bumuslo ng 12-of-16 mula sa field at tumapos din na may 9 rebounds, 2 assists at 2 steals.

Ang pagputok ni Camson na isang career-high sa isang regular season, ay napapanahon dahil si top gunner Juami Tiongson ay nalimitahan sa 21 points, dalawang araw makaraang kumamada siya ng tournament-high 37.

“Hindi ko naman hinahanap ‘yung score, siyempre si Juami talaga ‘yung main gunner namin. So thank God nagkaroon ako ng opportunity, ibinigay sa akin ito. Thanks na na-deliver ko naman,” dagdag ni Camson, na umiskor ng 16 sunod na puntos sa third period upang pangunahan ang Dyip sa 84-73 bentahe.

“Kasi may gameplan sila kay Juami so… kailangang may mag-step up.”

Ang panalo ay kasunod ng 110-96 pagdispatsa ng Terrafirma sa NLEX para umangat sa 3-3 kartada. Ibinunyag ni Camson na isang team decision na i-enjoy ang pakiramdam ng manalo ng dalawang sunod, isang bagay na hindi nila nanamnam magmula nang maitala ang three-game roll sa 2021 Philippine Cup.

“Before kaming mag-enter dito sa court, sabi namin: ‘Guys, try naman kaya nating mag-back-to-back wins.’ So siguro mas gutom lang kami sa kanila ngayon,” sabi ni Camson.

Nanguna si Allein Maliksi para sa Bolts na may 33 points habang tumapos si Cliff Hodge na may 24 points at game-high 15 rebounds, ang huling 14 sa kanyang markers ay nagmula sa fourth period.

-CLYDE MARIANO