Mga laro sa Miyerkoles:
(Ynares Arena- Pasig)
5 p.m. – Rain or Shine vs NorthPort
7:30 p.m. – Phoenix vs TNT
HINDI hinayaan ni Juami Tiongson ang masamang shooting night na pigilan siya na tulungan ang Terrafirma sa ibang paraan.
Umiskor si Tiongson ng team-high 15 points, ngunit ang huling dalawa sa kanyang 6 assists ang naging krusyal sa 85-72 panalo ng Dyip kontra San Miguel Beer sa PBA On Tour kagabi sa Filoil EcoOil Center sa San Juan City.
Bumuslo si Tiongson ng 5-of-15 lamang mula sa floor subalit gumawa ng isang triple at ang kanyang pasa kina Ed Daquioag at Aldrech Ramos ay nagresulta sa deep shots ng dalawa na tinampukan ang mainit na pagtatapos ng Terrafirma mula sa 69-66 count.
Sa panalo ay naputol ang three-game slide ng Dyip at umangat sa 4-6 kartada kung saan nalampasan nila ang kanilang three-win total noong nakaraang season.
Ang mas mahalaga para kay Tiongson ay ang panalo na nagbigay-diin sa paghusay ng koponan sa buong pre-season tourney.
“(This win is) very big for us kasi we take it seriously. As we all know naman nasa bottom kami parati. We want to build our chemistry saka get our confidence going into the coming conference,” sabi ni Tiongson.
Si Daquioag ay galing sa bench upang maging pangunahing backup kay Tiongson na may 13 points. Naitala niya ang walo sa mga ito sa fourth canto kung saan ang unang lima ang nagsindi sa breakaway mula sa three-point game.
Nang magpakawala si Ramos ng kanyang sariling tres, lumobo ito sa 83-72 bentahe na nagselyo sa panalo, may 50 segundo na lamang ang nalalabi sa laro.
Nahulog ang SMB sa 3-8 kartada at nabigong tapusin ang kanilang kampanya nang matikas.
Nanguna sina Jericho Cruz na may 19 points at workhorse Rodney Brondial na may 19 points at 17 rebounds para sa Beermen, na ang kampanya ay naapektuhan ng pagkawala ng kanilang stars dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
-CLYDE MARIANO