MAAARING pumalo sa $24 billion ang e-commerce sales sa Pilipinas sa 2025, ayon sa United States Department of Agriculture (USDA).
Sinabi ng USDA na ang overall e-commerce sales sa bansa ay inaasahang lalago sa compound annual growth rate na 9 percent.
Ayon sa ahensiya, ang cross-border online sales ng food and beverages ay lumago sanhi ng COVID-19 pandemic.
Inudyukan umano ng pandemya ang mga Pilipino na humanap ng paraan para direktang makabili ng imported goods.
Sa report ng USDA, kalahati ng mahigit 70 million online users sa bansa ay sumali sa cross-border e-commerce.
Sinabi ng USDA na inaasahan ng kanilang Food Agricultural Service office sa Manila na ang biniling food and beverage products sa pamamagitan ng cross-border e-commerce ay maaaring maging quadruple sa $5 million sa 2025, mula sa halos $1 million noong 2022.