E-PAINTERS, FIBERXERS MAINIT ANG SIMULA SA KADAYAWAN INVITATIONAL

MATIKAS na sinimulan ng Rain or Shine at Converge ang kanilang kampanya sa Kadayawan Invitational basketball tournament noong Huwebes ng gabi sa University of Southeastern Philippines gym sa Davao City.

Sumandal ang FiberXers kay big man Justin Arana sa overtime upang maitakas ang 132-127 panalo laban sa Phoenix Fuel Masters.

Nagtuwang sina Andrei Caracut at import Aaron Fuller sa huling dalawang minuto upang tulungan ang Elasto Painters na malusutan ang reigning UAAP men’s basketball champion De La Salle, 106-105.

Naipuwersa ni Arana ang overtime nang maisalpak ang isang put back mula sa mintis na free throw ni Schonny Winston sa buzzer, 113-all.

Pagkatapos ay kumamada ang dating Rookie of the Year ng anim na sunod na puntos upang makontrol ng Converge ang laro, 119-113.

Naglaro ang Converge na wala sina no. 1 overall pick Justin Baltazar at import Scotty Hopson.

Ipinarada naman ng Phoenix sina no. 4 rookie draft Kai Ballungay at import Jay McKinnis.

Samantala, sumandal ang Rain or Shine sa late-game heroics nina Fuller at Caracut upang matakasan ang su hard-fighting La Salle side.

Umiskor sina Fuller at Caracut sa back-to-back baskets upang malusutan ang three-point lead ng Green Archers at kunin ang panalo.

Ang four-day event na bahagi ng selebrasyon ng annual harvest festival sa Davao City ay magpapatuloy sa Biyernes, kung saan maghaharap ang Rain or Shine at Phoenix sa alas-5 ng hapon, na susundan ng Converge-La Salle encounter sa alas-7 ng gabi.
CLYDE MARIANO