EASL: PBA PHILIPPINE CUP CHAMPION, RUNNER-UP MABIGAT ANG LABAN

MAGKAKASAMA ang kampeon sa PBA Philippine Cup at ang newly-crowned PLeague+ champ Taipei Fubon Braves sa isang grupo sa inaugural home-and-away season ng East Asia Super League sa Oktubre.

Ang dalawang koponan ay napunta sa Group A kasama ang Korean Basketball League (KBL) runner-up Anyang KGC at Japan B. League counterpart Ryukyu Golden Kings sa official drawing of lots na idinaos kahapon sa Shangri-La The Fort.

Samantala, ang Group B ay kinabibilangan ng KBL champion Seoul SK Knights, Japan B. League title holder Utsonomiya Brex, Bay Area Dragons na kumakatawan sa Greater China, at ng runner up ng Philippine Cup.

Dumalo si PBA commissioner Willie Marcial sa hour-long event, kasama sina KBL commissioner Kim Hee Ok, B. League chairman Shinji Shimada, at Francesco Berre, ang strength and conditioning coach ng Dragons.

Dinaluhan din ni NBA great Metta World Peace ang okasyon bilang special guest, sa pagiging isa sa EASL ambassadors.

Pinamunuan ni EASL CEO at co-founder Matt Beyer ang drawing of lots.

“Come Oct. 12 the dream is over, everything becomes a reality,” sabi ni Beyer, ang brainchild sa likod ng pagbuo ng isang Asian tournament na tinatampukan ng champions ng iba’t ibang liga sa buong rehiyon.

“Mabigat ang laban sa EASL,” pag-aamin ni Marcial.

Dumalo rin sa okasyon ang mga miyembro ng PBA Board, sa pangunguna nina Alfrancis Chua ng Barangay Ginebra, vice-chairman Bobby Rosales ng Terrafirma, Eric Arejola ng NorthPort, at Blackwater governor Siliman Sy kasama si team owner Dioceldo Sy.

Ilang PBA coaches at players ang nagpakita sa event kasama ang kanilang counterparts mula sa KBL at B. League.