WALANG nagawa ang TNT para pigilan ang Chiba at nalasap ang 93-75 blowout sa pagbubukas ng EASL (East Asia Super League) Season 2 Miyerkoles ng gabi sa jampacked Funabashi Arena sa Japan.
Abante ang Tropang Giga sa 41-35 sa second quarter, subalit bumanat ang Jets ng 23-8 run sa pagitan ng second at third periods na hindi na nahabol ng PBA squad.
Sa scoring run ay binura ng B. League runner-up team ang six-point deficit at kinuha ang 58-49 kalamangan.
Nakipagtuwang si naturalized player Iran Brown, ang dating San Miguel Beer import, kay DJ Stephens kung saan tumapos sila na may tig- 19 points upang pangunahan ang Chiba, na nakakuha lamang ng 2 points mula kay star guard Yuki Togashi, team captain ng Japan national team sa FIBA World Cup na nakakuha ng ticket sa 2024 Paris Olympics.
Subalit pinunan ni Ren Kanechica ang mababang output ni Togashi sa pagkamada ng anim sa 16 tres ng Jets upang tumapos na may 18 points.
Umiskor si Quincy Miller ng game-high 22 points upang pangunahan ang TNT side na hindi kasama sina key players Roger Pogoy, Calvin Oftana, Poy Erram, Justin Chua, Mikey Williams, and newly acquired Jewel Ponferada at rookie Henry Galinato.
Galing sa silver medal stint sa Jordan sa 19th Asian Games, kumabig si Rondae Hollis-Jefferson ng 15 points, 9 rebounds, at 5 assists, subalit nahirapan sa 6-of-28 shooting at 0-for-9 mula sa three-point range.
Umaasa ang TNT na makaganti sa Chiba sa Nov. 1 sa pag-host ng Tropang Giga sa Jets sa Manila.
Iskor:
Chiba (93) – Brown 19, Stephens 19, Kanechica 18, Okura 12, Mutts 9, Nishimura 6, Ogawa 6, Togashi 2, Arao 2, Kaishu 0, Sekiya 0.
TNT (75) – Miller 22, Hollis-Jefferson 15, Khobuntin 15, Castro 12, Montalbo 4, Heruela 4, Reyes 3, Flores 0, Ganuelas-Rosser 0.
QS: 21-22; 45-44; 71-56; 93-75.