HINDI na kailangang luwagan pa ng bansa ang COVID-19 status nito sa Alert Level 0 dahil ang ekonomiya ay ‘totally open’ na, ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Lopez na ngayong maraml nang lugar ang nasa ilallm ng Alert Level 1, ang mga negosyo ay nagbalik na sa 100% operations at maging ang turismo ay binuksan na kapwa sa local at foreign tourists.
“Sa amin ho, hindi na kailangang mag-Alert Level 0 kasi bukas, totally open ang economy eh. Napag-usapan namin sa IATF (Inter-Agency Task Force) for a while ‘yan at coming from the economic team, nakikita natin open naman ang economy,” anang kalihim.
Ang National Capital Region at 47 iba pang lugar ay isinailalim sa Alert Level 1 mula March 16 hanggang March 31.
“Itong Alert 1, nandun na tayo. Ang pinagkaiba na lang ng Alert Level 0 ay ‘yung mask. ‘Yun na lang nakikita namin eh, so hindi na kailangan for us,” dagdag ni Lopez.
Gayunman ay sinabi ng DTI chief na hindi pa rin nila inirerekomenda sa publiko ang pagtatanggal ng face masks sa kabila ng pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa.
Hinikayat din niya ang publiko na magpabakuna kontra COVID-19 at magpa-booster shots.
Naunang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na pinag-aaralan ng gobyerno ang posibilidad ng Alert Level 0.