SA KAHILIGANG kumain ng marami sa atin, hindi maiwasang maya’t maya ay mapapansin mong naghahanap ng mangunguya kahit na hindi naman kumakalam ang sikmura. May ilan pa nga na katatapos lang kumain, nag-iisip na naman at naghahanap nang maaaring ipanlaman sa tiyan.
Hindi rin puwedeng mawala ang iba’t ibang pagkain sa bawat kasiyahan. Kadalasan din kapag malungkot ang isang tao, tumatakbo sila sa pagkain. Kumbaga, pagkain ang ginagawa nilang takbuhan nang maibsan ang lungkot o stress na nadarama. At kapag hindi natin napigil ang sarili, maaari itong mauwi sa emotional eating. Kumbaga, hindi lamang kapag nalulungkot o stress ka kaya ka naghahanap ng maya’t mayang makakain kundi kahit na masaya ang iyong pakiramdam.
Ang emotional eating ay ang klase ng pagkain kahit na hindi ka naman nagugutom. Kumbaga, dahil sa atraksiyon ng isang pagkain ay kakain ka kahit na busog ka naman.
Okay lang naman ang emotional eating basta’t kaya mo itong kontrolin at hindi ka lumalampas sa nararapat na rami o konsumo ng pagkain. Kailangang nakokontrol ang pagkain dahil kung hindi, maaari itong maging dahilan ng iba’t ibang sakit gaya ng pagbigat o pagdaragdag ng timbang, high blood pressure, type 2 diabetes, high cholesterol at maaari rin itong magkaroon ng impact sa mental health tulad na lang ng depression.
Para maiwasan ang emotional eating, narito ang ilan sa paraan upang mapigilan o makontrol ito:
HUWAG HAHAYAAN ANG SARILING MAGUTOM
Iwasan ang pagpapagutom, iyan ang isa sa paraan upang maiwasan o makontrol ang emotional eating. Oo, hindi naman talaga natin maiiwasan ang mapakain ng marami lalo na kung ang mga putaheng nasa ating harapan ay kaysasarap at ‘di nating magawang hindian.
Gayunpaman, mas lalo tayong tatakamin sa pagkain kung ginugutom natin ang ating mga sarili. Lalo lamang din mapararami ang ating pagkain.
Kaya naman, imbes na gutumin ang sarili o mag-skip ng pagkain, makatutulong ang pagkain ng tama at nasa oras.
Kadalasan din ay sa gabi napakakain ng sobra ang marami sa atin. Dahil nga naman pagod tayo sa buong araw, binabawi natin ang pagod sa pagkain ng marami kinagabihan.
Hindi mabuti sa kalusugan ang pagkain ng marami lalong-lalo na sa gabi. Para hindi maghanap ng iba’t ibang pagkain, siguraduhing balanse ang kinakaing pagkain. Kumbaga, kailangang nagtataglay ito ng protein, veggies, carbohydrates, at healthy fats.
Higit sa lahat, huwag ding i-deprive ang sarili sa pagkain.
GUMALAW-GALAW AT SUBUKAN ANG MAG-RELAX
Importante rin ang paggalaw-galaw o ang pag-eehersisyo para maiwasan ang emotional eating. Kumbaga, imbes na pagkain ang takbuhan kapag naghahanap ng pagkain kahit na hindi gutom, mag-isip ng ibang puwedeng gawin gaya ng pag-eehersisyo.
Bukod din sa nakabubuti sa kalusugan ang pag-eehersisyo, maaari rin itong maging paraan upang maiwasan ang emotional eating.
Bukod din sa pag-eehersisyo, mainam din ang pagre-relax. Mag-isip ng madaling paraan para ma-relax at malingat ang sarili sa paghahanap ng makakain kahit na hindi naman gutom. Ilan sa puwedeng gawin na makapagbibigay ng hinahon sa kabuuan ay ang pagyo-yoga at pagme-meditate. Puwede rin naman ang pagma-massage.
DAHAN-DAHAN LANG SA PAGKAIN
Dahan-dahan lang din sa pagkain. May ilan sa atin na kapag malungkot o masaya, napabibilis ang pagkain. May ilan din talagang mabilis kumain at tila hindi na nangunguyang mabuti ang pagkain. Lunok na lang ng lunok.
Kapag kumakain tayo para ma-feed ang ating pakiramdam, kadalasan ay napabibilis ang pagkain at hindi nangnunguyang mabuti.
Importanteng nangunguyang mabuti ang pagkain nang makuha kaagad ang sustansiya at nutrisyong taglay nito. Importante ring nginunguya natin ng matagal ang pagkain upang malasahan natin ito at ma-enjoy ang pagkain.
Iwasan natin ang emotional eating dahil kapag hindi natin ito nakontrol, maraming masamang epekto ito sa kalusugan. CT SARIGUMBA