ISANG empleyado ng Pasay City Hall kasama ang kanyang anak at ang kababata ng huli ang inaresto ng magkasanib na puwersa ng Pasay City police at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa buy bust operation at nakuhanan ang mga ito ng shabu na nagkakahalaga ng P186,320.
Kinilala ni Pasay City police chief Col. Bernard Yang ang mga naarestong suspek na sina Vicente Moises Sebastian, 18, estuyante; ang tatay nito na si Alfredo, 57, kapwa naninirahan sa 1758 Estrella St., Barangay 14 Zone 1, Pasay City; at John Lerry Faulmino, 21, ng 113 Humilidad St., Pasay City at sinasabing kababata ni Vicente.
Ayon sa pahayag ni Yang, ang mga suspek ay naaresto dakong 3:00 ng madaling araw sa bahay ng mga Sebastian.
Napag-alaman na ang batang si Sebastian at Faulmino ang target sa isinagawang buy bust operation na parehong nasa drug watchlist.
Subalit isinama rin sa paghuli ang matandang Sebaastian matapos na mapag-alaman na ito ay nagsisilbing protector umano ng dalawa gamit ang kanyang posisyon bilang isang empleyado ng Pasay City Hall.
Napag-alaman na ang matandang Sebastian ay may 10 taon ng nagtatrabaho sa Pasay City Hall bilang driver ng Pasay City Rescue Team.
Mayroon pa ring lumalabas na report na ang mga kapitbahay ng mga suspek ay hindi umano makapag-report sa pulis o hindi kaya ay sa barangay dahil sa umano’y malakas ang impluwensiya ng matandang Sebastian sa Pasay City Hall.
Ang mga suspek ay nakuhanan ng may 30 plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P186,320, weighing scale at ang buy bust money.
Nahaharap ngayon ang mga inarestong suspek sa paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2002. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.