(Epektibo sa Dis. 5) WAGE HIKE SA CORDILLERA, BICOL, E. VISAYAS

KABUUANG 150,484 minimum wage earners sa Cordillera Administrative Region (CAR), Bicol at Eastern Visayas ang pinakabagong tatanggap ng pay hike, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ng DOLE na pinagtibay ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang wage orders na isinumite ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) sa tatlong rehiyon na nagkakaloob ng P30 umento sa sahod.

Ang wage orders ay ilalathala sa Nov. 19 at magiging epektibo pagkalipas ng 15 araw o sa Dis. 5.

Bukod sa minimum wage, tinaasan din ng wage boards ang sahod ng kasambahays ng mula P400 hanggang P1,000. May 162,970 domestic workers – 21 percent (34,111) ang nasa live-in arrangements — ang mabibiyayaan ng pay increase.

Noong Nov. 6, nag-isyu ang RTWPB sa CAR ng motu proprio (on its own) Wage Order No. CAR-22 na nagtaas sa bagong daily minimum wage rate sa rehiyon sa P430.

Inilabas naman ng Bicol wage board, bilang tugon sa isang petisyon, ang Wage Order No. RBV-21 noong Oct. 23, na nagtatakda sa bagong daily minimum wage sa rehiyon sa P395.

Samantala, inisyu ng RTWPB Eastern Visayas motu proprio ang Wage Order No. RB VIII-23 noong Nov. 6 na nagtatakda sa bagong minimum wage rate sa rehiyon sa P405 para sa non-agriculture sector at retail or service establishments na may 11 at higit pang manggagawa.

Tatanggap naman ang mga manggagawa sa cottage at handicraft industry, agriculture sector, at retail o service establishments na may 10 manggagawa at pababa, ng P375.